BUMALIKTAD na at lumipat na sa kampo ni leading Congressional candidate Ate Rose Lin ang isa sa mapagkakatiwalaang ‘angel’ ni Patrick Michael Vargas matapos na hindi na masikmura ang pinagagawa sa kanyang pag-e-espiya sa Ate ng District 5.
Nabatid na ang nasabing ‘angel’ ay nag-ngangalang Aiza Mojica Cabazares ng Novaliches Proper at tauhan na ni PM Vargas mula pa noong 2021. Si Vargas ay kalaban ni Ate Rose Lin sa pagka-Kinatawan ng District 5 ng Quezon City.
Ayon sa impormante, sumuko na umano si Cabazares sa pinapagawa sa kanya ng isang mataas na opisyal na responsable sa FB page at public relations ni Cong. Alfred at PM Vargas.
Nabatid na Marso nang isama si Cabazares sa grupo ng siyam na tao upang maging espiya, mag-penetrate sa kampo ni Ate Rose Lin at upang kumuha ng mga impormasyon, larawan at iba pang detalye na magagamit upang siraan umano ang Ate ng bayan.
Pinangakuan din umano si Cabazares na tutulungang makalabas ang kanyang kapatid na nakakulong kapag nakapagbigay siya ng mga larawan at impormasyon na magagamit laban kay Ate Rose Lin. Ito ay bukod pa sa cash na ibabayad sa kanya.
Agad-agad umanong binigyan ng cellphone si Cabazares na magagamit niya sa pagkuha ng larawan.
Ayon pa sa source ay ginamit umano ng kampo ni Vargas ang pagkakataon nang mabigyan ng scholarship ni Ate Rose Lin ang anak at bayaw ni Cabazares.
Sa mismong okasyon ng pagbibigay ng scholarship sa bayaw ni Cabazares ay kinunan niya (Cabazares) ng picture ang okasyon at ipinadala sa opisyal ni Vargas. Agad na nagpadala ng P1K ang opisyal kay Cabazares bilang kabayaran.
Naulit pa ang palitan ng litrato, impormasyon at cash na mula P500 hanggang P3,000 hanggang sa lumabas na ang mga larawan sa tv kung saan nakita ang bayaw ni Cabazares at maging siya ay na-identify.
Dahil dito ay kinausap ni Cabazares ang opisyal at sinabihan siyang i-delete ang mga larawan upang wag ma-trace sa kampo ni Vargas. Sinabihan din siya na ililipat ng bahay.
Dahil dito ay nagpasya si Cabazares na lumipat sa kampo ni Ate Rose Lin at isiwalat ang katotohanan sa pamamagitan ng sworn affidavit kung saan pinangalanan niya ang mga opisyal na may pakana ng paninira at may kagagawan ng ‘vote buying’ issue na ibinibintang nila kay Ate Rose Lin.