NILINAW ni Mayor Honey Lacuna na ang University of Manila (UM) ay isang pribadong paaralan na hindi pinatatakbo ng lokal na pamahalaan ng Maynila at iba sa Universidad de Manila (UdM) at Pamantasan ng Maynila (PLM).
Ang paglilinaw ay ginawa ni Lacuna upang soplahin at unahan ang posibilidad ng fake news na aniya ay na-master na ng kanyang mga kalaban sa pulitika, kasabay ng pagbibigay-diin na ang PLM at UdM ang dalawang tanging unibersidad na pinatatakbo ng lokal na pamahalaan ng Maynila kung saan bilang alkalde ay si Lacuna ang nagsisilbing chairperson ng mga boards of regents nito.
Ang pahayag ni Lacuna ay bunsod ng announcement na ginawa ng UM Legal Education Board ukol sa pagsasara ng College of Law nito dahil sa hindi magandang performance sa bar examinations, kabiguang masunod ang ‘prescribed curriculum’ at academic standards para sa legal education at mga depekto ng pasilidad at resources nito.
Mahalaga umano ang paglilinaw dahil may mga tiwaling kalaban sa pulitika na maaring gamitin ang sitwasyon ng UM upang palabasin na ang nasabing kolehiyo ay nasa ilalim ng pamahalaang-lungsod ng Maynila at isisi sa administrasyon ni Lacuna ang mga kabiguan nito at dahilan sa pagsasara ng College of Law nito.
Ani Lacuna, kabisado na nila at alam din naman ng publiko na ang kanilang mga katunggali sa politika ay mahilig gumamit ng maruming taktika at ang kanilang pundasyon sa pangangampanya ay fake news at maling impormasyo dala ng kawalan ng solidong programa na maiprisinta sa mamamamayan at dahil sa kawalan ng mga lehitimong pintas o isyu laban sa kasalukuyang administrasyon.
Binigyang-diin ni Lacuna na habang ang Maynila ay naghihirap dahil sa P7.8 bilyong utang na iniwan ni Isko Moreno, sa pamamagitan ng mahusay na pagsasaayos ng pananalapi ay nagawa pa din ng kanyang administrasyon na tumulong sa gastusin ng PLM sa halagang P344.155 million at P459.35 million naman para sa UDM, kung saan ang Maynila ay nakakuha pa ng kauna-unahang Seal of Good Local Governance sa mahigit 450 taong kasaysayan ng lungsod.
Ayon kay Lacuna ang sama-samang pagsisikap ng pamahalaang-lokal at tanggapan ni Congressman Rolan Valeriano (2nd district) ay nagbunga naman sa kasalukuyang itinatayo na kauna-unahang gusali ng UdM sa unang distrito sa Tondo kung saan maraming mag-aaral ng UdM ang naninirahan.
Bukod diyan, ang PLM at UDM students ay tumatanggap ng P1,000 buwanang ayudang pinansiyal bilang bahagi ng social amelioration program ng lungsod na nagbibigay din ng parehong uri ng tulong para sa senior citizens at P500 namang buwanang tulong para sa solo parents at persons with disablity (PWDs) bukod pa sa minors with disability (MWDs).
Ang iba pang major accomplishments ng administrasyong Lacuna pagdating sa aspeto ng edukasyon ay kinabibilangan ng sumusunod: bagong public libraries sa Paco at Sta. Cruz at pagtatayo ng bagong public school buildings gaya ng Guerrero building sa Aurora A. Quezon Elementary School, V. Mapa High School building, Isabelo Delos Reyes Elementary School at Emilio Jacinto Elementary School. Bukod pa yan sa bagong mga kurso sa PLM at UdM at pagbibigay sa graduates nito ng P2,000 cash bilang graduation gift.