May nakapagbalita sa inyong lingkod na parte na pala ng gimik ng kalaban ni Mayor Honey Lacuna ang kaliwa’t-kanang pekeng survey na dadalas pa nang dadalas habang papalapit ang araw ng eleksyon.
Ang kapuna-puna, sa dami ng lungsod sa buong bansa ay Maynila lang ang binabaha ng mga pekeng survey.
Una, ginamit ang mga empleyado ng City Hall. Pangalawa, ang Pamantasan ng Lungsod ng Maynila. Nitong pinakahuli ay Universidad de Manila naman. Lahat ng ‘yan ay hindi totoo at mismong mga kawani at estudyante ay nagtatanungan sa kanilang sarili dahil walang kumausap sa kanila kahit minsan at ni wala din silang kakilala na na-survey kuno.
Aba’y ‘wag na tayong magulat pa kung sa mga susunod na araw ay palabasin naman na ang na-survey ay mga barangay chairman o Sk o di kaya ay Manila Police District o mga guro sa Maynila.
Ayaw ko magbintang kung sino ang nasa likod ng mga pekeng survey pero ang kapuna-puna, lahat ng nasabing pekeng survey ay iisa ang gustong palabasin. Na nangunguna si Francisco Domagoso ng milya-milya at napag-iiwanan si Mayor Honey Lacuna.
Ang katawa-tawa lang, sobrang imposible ng mga numero o pigurang ginamit. Meron pang 1 percent daw si Mayor Honey. Nahiya pa silang gawing zero.
Dahil sa ginawang OA ang lamang ni Domagoso kaya lalong naging hindi kapan-paniwala ang mga pekeng survey.
Sanay na ang mga taga-Maynila sa ganitong gimik. Kung matatandaan, sunod-sunod din ang pekeng survey na naglabasan nung 2022 Presidential elections kung saan laging number 1 si Domagoso at si Bongbong Marcos, Jr. ay laging kulelat din. Ano ba naging ending? Hindi ba’t tinalo si Domagoso ni Marcos ultimo sa lungsod ng Maynila na dapat sana ay balwarte ni Domagoso dahil mayor siya dito nung panahon ng eleksyon?
Idagdag pa sa kahihiyan na ‘yan na tinalo si Domagoso sa Maynila nina Leni Robredo at Manny Pacquiao.
Si Mayor Honey naman,pinalabas ding kulelat ng mga nakalaban niyang mayor noong 2022 pero ang naging ending, tinalo niya ang mga ito at kahit pagsamahin pa ang nakung boto ng dalawang kalaban niya ay lamang pa din si mayora ng mahigit sa 200,000.
Ngayon, sa gitna ng mga pekeng survey, naibulong sa akin na ang maitim palang plano ay gawing tuloy-tuloy ang paglabas ng mga pekeng survey hanggang sa huling araw ng kampanya.
Ang layunin nito ay utuin at lokohin ang mga mamamayang taga-Maynila na ‘malakas’ ‘yung ginagawang number one sa survey at mahina si Mayor Honey.
Bukod diyan, layunin din ng pekeng surveys ang makakuha ng financier o magpopondo sa kampanya ng pekeng number one na kandidato. Wala na kasing naniniwalang financier sa kanya.
Nakakalungkot lamang na sa pagpapakalat ng pekeng survey ay maliwanag na mababa ang tingin ng kandidatong ito sa mga botante na nililigawan niya. Ang tingin niya sa kanila ay mga bobo at uto-uto o mga mangmang.
Inuulit ko, sa dami ng lungsod sa buong Pilipinas, bukod-tanging Maynila ang binabahaan ng mga pekeng survey.
Eto lang ang masasabi ko tungkol diyan.
Bakit ba may mga tao na nagsusuot ng fake na branded na relos o di kaya ay nagamit ng pekeng sapatos o bag na mamahaling brand?
Ito ay dahil gusto nilang magpanggap na sila ay mayaman kahit hindi naman.
Sa kaso ng mga pulitiko, bakit sila naglalabas ng pekeng survey? Kasi gusto nilang palabasin na sila ay lamang o panalo na kahit hindi naman.
Ang totoo, lahat ng nagpapalabas ng mga fake survey ay nagpapanggap lang. Kapag ang isang tao, alam niyang siya ay matatalo, magpapalabas talaga ng pekeng survey.
Isa lang ang ibig sabihin niyan. That candidate Isko-lelat.














