ANG KABAITAN AY HINDI KAHINAAN — VICE MAYOR YUL SERVO

By: Jerry S. Tan

Sa kauna-unahang pagkakataon ay nasaksihan ng marami na ito palang si Manila Vice Mayor Yul Servo ay marunong ding sumama ang loob at mapawian ng ngiti sa kanyang mga labi.

Damang-dama ang kanyang hinanakit dahil sa mga pinakahuling kaganapan sa konseho, kung saan nagkakasira-sira na ngayon ang dating magandang samahan ng mga konsehal na dati-rati ay iisang pamilya ang turingan.

Nag-umpisa lang naman ang lahat nang ito nang magdeklara ang isang dati rin nilang itinuturing na kapamilya na kalabanin ang sariling mga kasamahan na inihalal ng taumbayan bilang alkalde at bise alkalde ng Maynila at mga ‘incumbent’ o kasalukuyang nakaupo sa puwesto.


Ang deklarasyon ay walang kaabog-abog at ni hindi na tinangka pang buksan sa partido para mapag-usapan. Kumbaga, hindi isinaalang-alang o binigyang-halaga ang damdamin at opinyon ng mga miyembro.

Sa ginawang patraydor na pagtalikod ng ilang konsehal sa partidong nagluklok sa kanila, ang Asenso Manileno, natural lang naman na kumilos ang nakararaming miyembro ng partido.


Pupuwede ba naman na pinili mong kumalaban pagkatapos inaasahan mo na ang pribilehiyo mo ay pareho lang ng mga nanatiling tapat? Napakaswapang mo naman kung kabig ka dito, kabig ka doon.

Kung tutuusin, dapat nga ay may delikadesa silang kusang magbitaw dahil hindi naman karapatan ang pagkakaroon ng komite na parang nabili nila ang puwesto.


Nagrereklamo ang mga ngayon ay nasa minorya na ‘unfair daw nang magdesisyon ang higit na nakararami na magkaroon ng reorganization na anila ay sinikreto sa kanila. Pero hindi nila naisip ‘yung ‘unfair’ at pasikreto rin nilang pagsaksak sa likod ng mga kasamahan nila sa Asenso Manileno, mula kay Vice Mayor Yul hanggang sa mga kasamahang konsehal mismo.

Ang trabaho ni Vice Mayor Yul, bilang Presiding Officer ng konseho, ay ipatupad ang desisyon ng mayorya o higit na nakararami. Hindi siya pupuwedeng magdesisyon nang solo katawan.

Nitong mga nakalipas na sesyon, ang dati ay maayos at magalang na talakayan sa konseho ay napalitan ng bastusan at puro debateng walang kalatoy-latoy.

Bakit bastos? Tama ba naman na pati karapatan ng Presiding Officer na magpa-recess upang pag-usapan ng mga konsehal ang kanilang mga sigalot ay kwestiyunin at pagkatapos ay may sarkastikong komento pa na ‘kainan na naman!’ Asta ba ng isang kagalang-galang na konsehal ang ganito?

Sabi nga ni VM Yul: “Sa aking mga kasamang konsehal. Mga anak tingnan, niyo ang sarili ninyo, ang mga performance ninyo ba sa konsehong ito sa mga nakaraang araw. Nabigyan niyo na ba ng pansin ang mga isyu na hinaharap ng ating lungsod? Nakakatulong ba kayong maangat ang antas ng buhay ng Manilenyo sa pamamagitan ng lehislatura? Saan nga ba napunta ang oras na dapat ay maglilingkod tayo sa bayan?

Sa kabila ng mga kahiya-hiyang pangyayari, nagbigay naman ng katiyakan si VM Yul: “Makakaasa kayo na kahit anong mangyari, mananatili pa rin akong patas, at mag ru-rule sa consesus ng mas nakararami sa inyo, dahil yan ang tungkulin ko bilang Presiding Officer. Bagamat, kayo ay nakakasakit ng damdamin, tinuturing ko pa rin kayong mga anak.”

“Mga kasama, huwag sana nating kalimutan na tayo ay mga Lingkod Bayan na hinalal, minahal, sinuportahan at pinagkatiwalann ng mga Manilenyo, para ipaglaban ang mga karapatan nila, at para itaas ang antas ng buhay nila,” paalala pa niya.

Mabait pa din talaga si VM Yul dahil sa kabila ng kabastusan ng ilang dati nilang kasama ay hindi niya ito ginagantihan ng parehong antas ng kabastusan, kahit puwede niyang gawin.

Pero ha, nilinaw niya na huwag din siyang sagarin dahil ‘ang kabaitan ay hindi isang kahinaan.’
\***

Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.

Tags: double tap, jerry s. tan

You May Also Like

Most Read