Ni Jantzen Alvin
Isang anak ang sugatan nang pagsasaksakin mismo ng kanyang sariling tatay sa loob ng kanilang bahay sa Taytay, Rizal nitong Sabado matapos lamang na hindi maituro ang kinaroroonan ng kanyang ina.
Ang biktimang nakilala lamang na si Ariane May Ilagan ay kasalukuyan pang nilalapatan ng lunas sa Quirino Memorial Medical Center dahil sa mga tama ng saksak ng patalim sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Samantala, nakatakas at tinutugis na ng mga otoridad ang kanyang amang si Frederick Ilagan.
Lumilitaw sa inisyal na ulat ng Taytay Municipal Police Station na dakong alas-5:30 ng hapon nang magtungo sa kanilang tanggapan ang ina ng biktima na si Jonna Ilagan at inireport ang krimen na naganap sa kanilang tahanan sa Sitio Lumang Ilog, Floodway B, Brgy. San Juan, Taytay, Rizal.
Sa reklamo ng ginang, nabatid na bago ang insidente ay natutulog ang kanyang anak sa loob ng kaniyang silid nang biglang pumasok ang suspek at tinanong ang biktima kung nasaan ang kanyang nanay.
Nang sumagot umano ang biktima na hindi niya alam ay bigla na lang umanong bumunot ng patalim ang suspek at pinagsasaksak ang anak at saka mabilis na tumakas.
Ang suspek ay mahaharap sa kasong frustrated parricide sa piskalya.














