NA-RESCUE ng mga tauhan ng Philippine National Police –Maritime Group ang pitong katao na kinabibilangan ng anak umano ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa, sa Samal Island sa Davao del Norte.
Ayon sa ulat ng PNP-Maritime Group, pitong tao ang nasagip mula sa nagpapalutang-lutang na bangka na na-stranded sa may Samal Island, kahapon, araw ng Huwebes.
Sinasabing kasama sa mga nasagip ang anak umano ni Sen. Bato dela Rosa na si Macky. Naga-island hopping umano sa Samal Island ang grupo nila Dela Rosa nang makaranas ng motor failure at pagkasira ng makina ng sinasakyan nilang bangka, dahil sa malakas na alon.
Nilinaw ng kapulisan na nasa maayos na kalagayan ang pitong nasagip na pasahero ng bangka na dinala pansamantala sa PNP- regional maritime unit. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)