Ni MARK ALFONSO
ISUSULONG ni Senador Francis ‘Chiz’ Escudero ang isang panukala na layuning amiyendanan ang procurement law at auditing code upang makatulong na mapalakas ang kapangyarihan ng mga local government unit (LGU).
Sinabi ni Escudero na dapat unahin ang nasabing mga panukala lalo na’t naghahanda ang mga LGU para sa ‘full evolution’ na makikita sa ilalim ng Republic Act 7160 o ng Local Government Code of 1991, gayundin sa Supreme Court (SC) ruling sa Mandanas-Garcia petition.
“Amending our old laws on government procurement and audit process are very timely as LGUs prepare for full devolution,” punto ni Escudero sa isang pahayag.
“Ang pag-amyenda ng mga batas na ito sa lalong madaling panahon ay makakatulong sa ating mga LGUs upang lalo pang mapabuti ang pagseserbisyo sa ating mga mamamayan,” sabi ng senador.
Bukod sa dalawang panukala, susuportahan din ni Escudero ang iba pang legislative measures na itinutulak ni Pangulong Marcos para makatulong na maiangat ang buhay ng mga ordinaryong mga Pilipino at mapabilis ang pagbangon ng bansa sa epekto ng COVID-19 health crisis.
“Kung ano ang isinusulong ng Pangulo sa Kongreso na makakatulong sa taumbayan at bubuhay sa ating ekonomiya ay nakahanda tayong suportahan ang mga ito dahil sang-ayon ako, kabilang na doon ang pagrerebisa ng procurement law at auditing code,” dagdag pa ni Escudero.