TINUTUGIS ngayon ng pinagsanib na pwersa ng Philippine Marines, Philippine Army at Philippine National Police ang mga armadong kalalakihan na tumangay sa isang American national sa Sibuco, Zamboanga del Norte Huwebes ng gabi ayon sa Police Regional Office 9 (PRO-9) kahapon.
Apat na armadong kalalakihan na pawang nakasuot ng itim at naka-maskara ang pwersahang tumangay kay Elliot Onil Eastman ng Hinesborg, Vermont, United States, may dalawang daang metro lamang umano ang layo sa isang military outpost sa bayan ng Sibuco.
Ayon kay Police-Zamboanga Peninsula Director Brigadier General Bowenn Joey Masauding inulat ang pagdukot bandang alas-11 ng gabi sa Sitio Tungawan, Barangay Poblacion ng apat na suspek na pawang amado ng M16 rifle.
Sa inisyal report na ibinahagi ni Sibuco police chief Joseph Villarino, si Eastman,na umano’y isang content creator, ay puwersahang tinangay ng mga suspek na hinihinalang posibleng mga kasapi ng Abu Sayyaf Group na nagpakilalang mga pulis mula sa bahay ng kanyang ginang .
Nagawa pa umanong makapiglas ng biktima subalit nabaril ito sa binti ng mga suspek at pwersahang isinakay sa isang motor boat na hinihinalang patungo sa direksyon ng Sulu o Basilan.
Limang buwan nang nasa Pilipinas ang American national at kasal sa isang babaeng Pilipino, ayon sa imbestigasyon.
Wala pang natatanggap na impormasyon ang mga awtoridad sa posibleng ransom o demand kaugnay ng pagkidnap sa American national.