Latest News

Ama at special child na anak, bumalik sa loob ng nasusunog nilang bahay; patay sa sunog

By: Baby Cuevas

Patay ang isang mag-ama nang bumalik sa loob ng kanilang nasusunog na tahanan sa Tondo, Manila kamakalawa.

Kinilala ang mga biktima na sina Dionisio Lasaca, 66, at anak na si Jomer Lasaca, 21, isang person with special needs, at kapwa residente ng 800 Fullon St., Dagupan, Tondo.

Batay sa ulat ng Manila Fire Department, dakong ala-1:29 ng hapon nang maganap ang sunog sa tahanan ng pamilya Lasaca.


Kwento ni Aling Myrna, maybahay ni Mang Dionisio, kasalukuyan siyang nasa bahay ng kanyang amo nang mabalitaang nasusunog ang kanilang tahanan.

Kaagad umano siyang nagtatakbo pauwi ngunit hindi niya nakita ang kanyang mag-ama.

Ani Aling Myrna, ayon sa kanyang mga kapitbahay ay nakalabas na ang kanyang mag-ama sa kanilang nasusunog na bahay, ngunit bigla umanong bumalik si Mang Dionisio sa loob, hinalang upang tangkaing isalba ang ilan pa nilang gamit.

Gayunman, sumunod naman umano sa ama ang kanyang anak, at minalas na ma-trapped at hindi na makalabas pa ng buhay ang mga ito.


“Sabi ng mga tao doon, nakalabas na daw ‘yung mag-ama ko. Kaya lang bumalik pa ‘yung ama, sumunod ‘yung special child ko doon sa loob,” salaysay pa ng naghihinagpis na ginang.

Sa mopping operation na lamang natagpuan ng mga bumbero ang bangkay ng mag-ama.

Bukod naman sa mag-amang nasawi, mayroon rin umanong walong indibidwal ang nasugatan sa sunog.

Umabot lamang ng ikalawang alarma ang sunog bago tuluyang naapula dakong alas-4:33 ng hapon.


Ayon sa mga awtoridad, tinatayang aabot sa 30 kabahayan ang tinupok ng apoy at nasa 100 pamilya ang nawalan ng tahanan.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang pinagmulan ng sunog, na tumupok sa tinatayang P1.5 milyong halaga ng mga ari-arian.

Tags: Manila Fire Department

You May Also Like

Most Read