Latest News

ALYANSANG HONEY-YUL AT LOPEZ SA TONDO, SAMAHANG MAY PRUWEBA, TAPAT AT TOTOO

By: Jerry S. Tan

Simple, mahinahon, matalino at talaga namang kagalang-galang na Congressman ang karakter ng nagbabalik na Kinatawan sa Unang Distrito ng Tondo na si Manny Lopez.

Sa kanyang pagdalo sa buwanang “MACHRA Balitaan” news forum ng Manila City Hall Reporters’ Association sa Harbor View Restaurant, sa Ermita, Manila nitong Huwebes, inilahad ni Lopez ang kanyang mga nagawa bilang Kongresista sa loob ng dalawang termino o anim na taon, mula 2016 hanggang 2022.

Bago niyan, siya ay presidente ng Amateur Boxing Association of the Philippines at sa ilalim ng kanyang pangangasiwa ay nasungkit ng noon ay amateur boxer na si Onyok Velasco ang silver medal para sa Pilipinas sa 1996 Summer Olympics sa Atlanta, United States, sa light flyweight division. Nanalo din ng limang gold medals sa Asian Games ang Pilipinas sa nasabing panahon.


Bilang Congressman, hindi maikukumpara ang naging performance ni Lopez sa humalili sa kanya na si Ernix Dionisio.

Una, lagi daw bukas ang kanyang tanggapan para sa lahat ng taga-distrito niya at di gaya ng mga kalaban niya na takot makisalamuha, siya ay malayang naglalakad sa mga iskinita at kalyehon at regular na nakikipaghuntahan sa kanyang mga kababayan sa Tondo.


‘Yan ay sa kabila nang kanyang background bilang galing sa isang maykayang pamilya na nakapagtapos sa mga mamahaling paaralan gaya ng Ateneo at UP. Sabi nga niya, alam niya ang amoy ng bawat iskinita sa Tondo.

Kabilang sa mga iniakda ni Lopez bilang Congressman ang batas ukol sa pagbibigay ng 4Ps, Universal Health Care Act at Senior Citizens’ Act na ewan lang kung pareho ang masasabi ni Dionisio na aniya, ang unang ginawa pag-upo ay ang pagpapagiba ng district office.


Siyempre pa, nariyan ang mga pinagawa ni Lopez na proyekto gaya ng mga barangay health centers, barangay halls, mga sports complex at iba pa.

Hindi na nakapagtataka na si Lopez ay naging magaling sa kanyang tinahak na propesyon. Anak siya ni dating Manila Mayor Mel Lopez, Jr. na nagsilbi bilang alkalde ng Maynila mula 1986 hanggang 1992, at ito rin umano ang nagturo sa kanya na maging mapagkumbaba at manatiling kaisa ng masang taga-Tondo kung saan sila nagmula at lumaki.

Sa kanyang muling pagtakbo bilang Congressman, napili umano niyang umanib kay Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo dahil iisa ang kanilang adhikain— ang pagbibigay ng serbisyong tapat at totoo.

Aniya, habang magaling ang kanilang mga kalaban sa pagsisinungaling at pamumudmod ng pera, sila nina Mayor Honey ay tumatakbo batay sa kanilang mga nagawa na totoo at may patunay at mga gagawin pa sa susunod nilang termino.

Naniniwala daw si Lopez na hindi mabibili ang prinsipyo ng mga taga-Tondo at lalong hindi sila mangmang para maniwala sa mga boladas at kasinungalingan.

Sa kabila ng mga fake news at paninira, tanging accomplishments o mga nagawa at reputasyon ang bitbit ni Lopez sa kanyang laban sa darating na Mayo.

Gaya ng mga residente ng Tondo, naniniwala ako na siya ang talagang karapat-dapat na maging Kinatawan nila sa Kongreso at wala nang iba.

***

Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.

Tags: double tap, jerry s. tan

You May Also Like

Most Read