By: JANTZEN ALVIN
Kasalukuyang pinaiimbestigahan ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla si Davao del Norte 1st District Rep. Pantaleon Alvarez kaugnay ng panawagan nito sa mga pulis at military ng ‘withdrawal of support’ kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr..
Layunin umano ng imbestigasyon na alamin kung maaari bang sampahan si Alvarez ng mga kasong sedisyon, inciting to sedition o maging ng rebelyon.
“I have ordered an investigation on the statements of Congressman Pantaleon Alvarez to determine whether it has risen to the level of Sedition, Inciting to Sedition or even Rebellion,” ani Remulla.
“As a former lawmaker myself, I would like to remind Congressman Alvarez to act in accordance to the highest standards of ethics, morality, and nationalism, and avoid remarks unbecoming of a member of the House of Representatives,” dagdag pa nito.
Matatandaan na sa isang rally sa Tagum City kamakailan ay una nang nanawagan si Alvarez sa mga pulis at military na bawiin ang kanilang suporta sa pangulo.
Ani Alvarez, nadala lamang siya ng kanyang damdamin dahil ang foreign policy ng Malakanyang ay kumakaladkad sa bansa sa higit pang sigalot sa China.
Kalaunan ay humingi ng pasensiya si Alvarez sa ginawa at nilinaw na ang kanyang panawagan ay mapayapa at hindi kudeta.