Alok na trabaho sa POEA text blast, peke!

NAGBABALA kahapon sa publiko ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ukol sa kumakalat na text blast na nag-aalok ng trabaho sa ibang bansa na umano’y peke at isang uri ng ‘phishing scam’.

Nakasaad sa text blast na, “(y)our employment CV sent to the POEA has been approved,” kasama ang isang link. Inieenganyo ng mga manloloko ang pinadadalhan ng text blast na maaaring makasuweldo umajo ng hanggang P2,889 kada araw.


“Ang ganitong text message ay isang phishing scam na kung saan may link na kapag na-click ay marere-direct sa isang website na maaring makuha ang inyong mga personal data, password, account number o iba pang mga sensitibong impormasyon at magamit sa mga illegal na gawain,” saad ng POEA.

Tulad ng POEA, ilan sa mga ahensya ng pamahalaan ang ginagamit rin ng mga manloloko sa ‘phishing scheme’.

Dahil dito, kinalampag ng National Telecommunications Commission ang mga ‘online shopping platforms’ ukol sa paggamit sa kanilang plataporma sa pagbebenta ng mga SMS blast machines at mga kaparehong devices na ginagamit ng mga kawatan at ipinagbabawal sa batas. (Jaymel Manuel)


Tags: Philippine Overseas Employment Administration (POEA)

You May Also Like