Matatanggap na ng mga estudyante ng Universidad de Manila (UdM) ang kanilang tig-P1,000 monthly allowance mula sa pamahalaang lungsod.
Inianunsiyo ni Manila Mayor Honey Lacuna na ang pamamahagi ng nasabing allowance para sa mahigit 10,000 estudyante ng UdM ay gaganapin mula Mayo 28 hanggang Mayo 31, 2025.
Sinabi ni UdM President Dr. Felma Carlos-Tria na sa pagkuha ng allowance, ang mga estudyanteng kasalukuyang naka-enroll sa unibersidad ay kinakailangang magdala ng sarili nilang ballpen, original at photocopy ng UdM-issued RFID card na may tatlong specimen signatures, photocopy ng GO Manila ID, at printed copy ng student portal na may midterm grades (second semester, 2024-2025).
Ayon pa kay Tria, ang procedure at schedule ng payout ay nakapaskil sa official social media accounts ng lungsod at ng UdM.
Ani Tria, bawat student-beneficiary ng UdM na aabot sa kabuuang 10,115 ay tatanggap ng tig-P2,000 para sa mga buwan ng Marso at Abril.
“Ang maliit na tulong na ito ay isang patunay ng ating buong suporta sa ating mga mag-aaral para makatulong at makapagtapos sila sa kolehiyo. These allowances are the beneficiaries’ share of the taxes collected and revenues generated by the city,” ayon kay Lacuna.
Samantala, napag-alamang nasa mahigit 8,000 estudyante ng Pamantasan ng Lungsod ng Manila (PLM) ang makakakuha na rin ng kanilang two-month allowance, sa pamamagitan naman ng kanilang debit card accounts.
Sa kabuuan, mahigit sa 18,000 university students ang nakakakuha ng P1,000 buwanang allowance mula sa lungsod sa ilalim ng social amelioration program na ipinasa ng konseho nang si Lacuna pa ang Presiding Officer nito. Nakatatanggap din ng buwanang ayuda ang mga senior citizens, solo parents at persons with disability.














