Sina Mayor Honey Lacuna at OSCA chief Elinor Jacinto na kapwa nananawagan sa mga kapitan ng barangay na huwag pulitikahin ang senior citizens' allowance.

ALLOWANCE NG SENIOR CITIZENS, ‘WAG IDAMAY SA PULITIKA — MAYOR HONEY LACUNA

By: Jerry S. Tan

MAHIGPIT na nanawagan si Manila Mayor Honey Lacuna sa ilang kapitan ng barangay sa lungsod ng Maynila na huwag nang idamay pa sa maruming pulitika ang mga senior citizens, sa pamamagitan ng pagtiyak na lahat sila ay makakakuha ng dobladong buwanang cash allowance nang walang anumang antala o aberya.

Ang panawagan ay ginawa ni Lacuna matapos na makatanggap ng ulat na ilang kapitan ng barangay, na kilalang kaalyado ng kanyang kalaban sa pulitika, ang nagbabanta na pahihirapan sa pagkuha ng kanilang allowance mula sa city government ang mga senior citizens na na kilalang supporters ni Lacuna at mga kaalyado nito.

“Bagama’t iilan lang naman ang mga chairman na ito, hindi ito dapat na mangyari. Walang kinalaman sa pulitika ang tulong na ibinibigay ng ating pamahalaang-lungsod para sa ating mga lolo at lola. Para sa kanila ‘yan kaya sana ay ibigay ninyo ang dapat na para sa kanila,” ayon kay Lacuna.


Binigyang-diin pa ng alkalde na hinihintay ng mga senior citizens ng lungsod ang naturang cash aid upang magamit sa kanilang mga gastusin, partikular na sa kanilang maintenance medicines at iba pang persona na pangangailangan kaya’t marapat lamang na makuha nila kaagad.

“Maliit na nga lang ang naibibigay ng ating pamahalaang-lungsod, pahihirapan pa ang ating mga senior citizens. Ako po ay nakikiusap na ‘wag po ninyo itong gawin kung hindi ay mapipilitan kaming gumawa ng hakbang upang agad na makuha ng mga lolo at lola ang munting ayuda na para sa kanila,” pahayag pa ni Lacuna.

Kaugnay nito ay nanawagan din si Lacuna sa mga senior citizens na makakaranas ng aberya sa pagkuha ng allowance nang dahil lang sa pulitika, na huwag mag-atubiling magsumbong sa City Hall para sa kaukulang aksiyon at tiniyak ng alkalde na hindi nila ito pahihintulutang mangyari.

Ayon naman kay Office of Senior Citizens’ Affairs head Elinor Jacinto, kasalukuyan nang umaarangkada ang distribusyon ng dobladong allowance ng mga senior citizens sa Maynila. Aabot aniya sa P1,000 kada buwan o kabuuang P3,000 ang matatanggap na allowance ng bawat isa sa mga ito, para sa mga buwan ng Enero hanggang Marso 2025.


Ang pamamahagi ng nasabing allowance ay idinaan sa cash payout sa mga barangay upang padaliin ang sistema para sa mga nakatatanda na nagreklamong nahirapan sila sa lumang sistema gamit ang PayMaya, na siyang ipinatutupad bago maupong alkalde si Lacuna.

Kagaya ng alkalde, nagpahayag din si Jacinto ng buong tiwala at kumpiyansa sa mga barangay chairpersons na kaya nilang maisagawa nang maayos at kumbinyente ang payout para sa mga senior citizens.

“Pahalagahan po sana natin ang tiwalang ibinigay ng ating alkalde. Lahat po tayo ay tatanda,” dagdag pa ni Jacinto.

Matatandaan na ang allowance ng mga senior citizens ay itinaas ni Lacuna mula P500 lamang kada buwan at ginawa itong P1,000, sa pamamagitan ng ordinansang nilagdaan niya noong Oktubre ng nakaraang taon.


Tags: Manila Mayor Honey Lacuna

You May Also Like

Most Read