Guilty.
Ito ang naging hatol ng Pasig Regional Trial Court (Pasig RTC) Branch 167 kay dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, na sinentensiyahan ng ‘reclusión perpetua’ o habambuhay na pagkakakulong kaugnay ng kasong qualified human trafficking.
Sa desisyon na ibinaba ngayong Huwebes, Nobyembre 20, kasama ni Guo na nasentensyahan sina Rachelle Malonzo Carreon, Jaimielyn Cruz at Walter Wong Ron.
Batay sa desisyon, sangkot ang mga akusadol sa pag-organisa ng human trafficking sa Baofu Compound na isang malaking Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Bamban, Tarlac.
Napatunayan din na ‘guilty’ sa acts of trafficking ang Chinese nationals na sina Wang Weili, Wuli Dong, Nong Ding Chang at Lang Xu Po.
Walo mula sa 16 na akusado ang nasentensiyahan at ang mga ito ay pinagmumulta ng P2 milyon kada isa bukod pa sa money reparations sa mga biktima.
Ipinag-utos din ng korte ang ‘forfeiture; ng Baofu compound na itinatayang nagkakahalaga ng P6 bilyon.
Sina Guo, 35, at ang 15 pa na kasama niyang akusado, ay hindi personal na dumalo sa korte at sila ay dumalo lamang sa promulgation sa pamamagitan ng teleconference.
Matapos basahan ng sentensiya, si Guo ay nakatakdang idiretso sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City.














