HININGI ni Ogie Diaz ang atensyon ng actor-turned-politician na si Alfred Vargas para iklaro ang binitawan nitong mga salita sa kumakalat na viral video na umano ay “mocking the physical appearance” ng kanyang mga kalaban sa midterm polls sa Mayo.
Sa Facebook post ni Ogie ay ibinahagi niya ang isang clip na nagsasalita si Vargas sa isang campaign sortie.
Sa video ay sinabi ni Alfred na: “.. ang mga kalaban namin ay mga mukhang adik…”
Ani Ogie: “Baka gustong linawin ito ni Alfred Vargas. Puro nega ang comment sa kanya. Bakit dumating na raw siya sa ganitong point ng pamumulitika?
Nakakalungkot naman ang mga nababasa ko sa comment section.”
Tumatakbong councilor ng 5th district sa Quezon City si Alfred habang ang kanyang na si PM Vargas at kakandidatong kongresista.
Pahayag pa ni Alfred sa video: “Kasi kami, halimbawa kami ni Cong. PM, pag namimili kami, pinipili namin ‘yung magaganda’t gwapo. Kasi kung titingnan ninyo, ‘yung mga nakukuhang leaders ng mga kalaban namin, mga mukhang adik.”
Patuloy pa ni Vargas:”Totoo, ‘di ba? Tsaka puro may mga utang. Hindi nagbabayad. Totoo, ‘di ba? Kilala namin ‘yung mga leaders ng kabila e. Hindi ba, bro? Kaya sa tingin ko, Colonel, marami kayong ikukulong na mga adik.”
Sa naturan ding event, nagkomento din umano si Vargas laban kay Rose Nono Lin, ang head ng Rose Lin Foundation.
Ang original video, na naka-post sa Facebook page ng Kilusan Kontra Korapsiyon , ay umani ng mga negatibong komento mula sa netizens.
“Ikaw naman ay isang malaking kahihiyan. Konsehal ka pero ang tabas ng dila mo para manghusga sa mga leaders ay ganyan? Malayung-malayo ang mararating mo—hanggang sa hindi ka na makabalik ulit,” say ng isang commenter.
“Nakakahiya bukang-bibig mo! Magkapatid nga kayo, lahat gagawin para manira lang ng taong may paninindigan,” ayon naman sa isa pang nag-comment.
Ano kaya ang masasabi ni Alfred dito?
Bukas po kami kung may paliwanag ang aktor-pulitiko ukol sa isyung ito.














