Si PDP deputy spokesman Atty. Ferdie Topacio sa pagdalo bilang guest sa 'Balitaan' news forum ng Manila City Hall Reporters' Association na ginanap sa Century Seafood Restaurant sa Malate, Maynila. Kasama sa larawan sina (kaliwa) MACHRA President Itchie G. Cabayan at Vice President Andi Garcia.

ALEGASYONG NAGSASANGKOT SA PDP OFFICIALS SA KARAHASAN SA MAYNILA, ‘HINUGOT SA PUWET’ AYON KAY TOPACIO

By: Jerry S. Tan

TAHASANG binansagan kahapon ni Partido Demokratiko Pilipino (PDP) deputy spokesman Atty. Ferdinand Topacio na “hinugot sa puwet “ ang umano ay tangkang pag-uugnay sa kanya at kay PDP National Capital Region President at dating Manila City Administrator Bernie Ang sa marahas na anti -corruption rally sa Maynila nitong September 21.

Sa ginanap na pulong-balitaan ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA) sa Century Seafood Restaurant sa Malate, Maynila, nanawagan din si Topacio sa mga awtoridad na seryosong tutukan sa imbestigasyon ang anggulo ng kung sino ang mga nagbayad ng piyansa at nagde-demand na palayain ang mga nahuling nanggulo, upang tunay na malaman kung sino ang nasa likod ng mga ito.


Ayon kay Topacio, naroon mismo siya sa naturang rally sa Maynila, kung saan ipinaalam niya umano sa kapulisan ang presensiya ng mga ralyista na pawang nakaitim na damit, nakasuot ng facemasks, armado ng bat at may dalang knapsacks. Ani Topacio, ang grupo nila na binubuo ng mga mag-aaral at mga empleyado ay kinailangan pang huminto upang palagpasin muna ang mga nasabing kaduda-dudang naka-itim na protesters na nasa likuran nila.

Binigyang-diin ni Topacio na nasa rally rin umano ang anak niya at hindi niya hahayaan na masaktan ito:”Why would I foment violence? Gusto ko bang mabato ang anak ko sa ulo?”

Bukod sa pagiging imposible ay katawa-tawa umano na pati ang kanyang partymate na si Bernie Ang, na aniya ay isang ‘non-violent person’, ay isinasangkot din sa kaguluhan.


“Ano naman ang mapapala niya? Na-achieve niya na lahat. He is a successful businessman and is the longest-serving Councilor who served Manila in different capacities where he established a good name based on service record. Bakit niya dudungisan ang pangalan niya para lang sa isang gulo na wala namang patutunguhan,” ani Topacio bilang pagtatanggol kay Ang.

Idinagdag pa ni Topacio na mismong mga pulis na ang nagsasabing ang mga rioters ay sinulsulan ng mga maka-kaliwa at aniya: “political personalities highly-identified with left-leaning organizations such as Gabriela, Kabataan and Akbayan have openly supported those apprehended and demanded their release.”




“Sino ba ang me history ng panggugulo? Sino ang enablers? Sino ang ayaw mag-condemn ng violence na nangyari? Hindi na ako magtataka kung imbentuhan kami ng ebidensiya,” sabi pa ni Topacio, na inilarawan ang tangkang iugnay ang PDP officials sa riot ay layong patahimikin ang tanging nalalabing ‘legitimate opposition’ sa bansa.

Ani Topacio, ang dalawa pang idinadawit sa riot na sina lawyer Vic Rodriguez at ex-Congressman Harry Angping ay ni hindi naman kasapi ng PDP.


Bukod diyan, sa pagkakaalam umano ni Topacio ay ni hindi naman din nag-uusap sina Ang at Angping dahil aniya, “they don’t see each other eye to eye.”

Matatandaang isang pulitiko ang nagpalutang sa pangalan ng apat upang iugnay sila sa nasabing kaguluhan.



Tags: Atty. Ferdie Topacio

You May Also Like

Most Read