Hindi na kailangang bumiyahe patungong Maynila ang mga taga-San Juan City, Taguig at karatig-lungsod upang matikman lamang ang mga tradisyunal na Chinese foods at mga produkto.
Nitong weekend ay binuksan sa Blumentrit Street sa San Juan ang kauna-unahang branch ng 84-anyos na Chuan Kee, ang pinakamatandang fastfood chain sa Manila Chinatown na siya namang pinakamantang Chinatown sa buong mundo.
Pinangunahan mismo nina San Juan Mayor Francis Zamora at Gerie Chua, may-ari ng nasabing fastfood chain, ang ginanap na ribbon-cutting ceremony at blessing sa formal opening ng nasabing restaurant, kung saan maaring matikman ang mga tradisyunal na Chinese foods, gayundin ng The Great Buddha Cafe at Eng Bee Tin Grocery, mga lugar kung saan araw-araw mahaba ang mga pila dahil dinarayo ng mga lokal at foreign na turista bilang ‘go to’ places para sa Chinatown visitors.
Sa isang panayam Kay Zamora,nagpahayag ito ng pasasalamat sa pamilya Chua sa pamumuhunan sa San Juan City na aniya ay isang uri ng pagtitiwala.
“Kami po dito sa San Juan ay sobrang natutuwa dahil dito sa aming lugar napili ni Gerie unang maglagay ng branch ng isang restaurant na makasaysayang, maalamat o legendary dahil ito ang oldest existing restaurant sa buong Binondo Chinatown,” saad ni Zamora.
Binanggit din ng alkalde na very timely pagbubukas ng kauna-unahang Chuan Kee branch sa San Juan dahil isa sa mga tinututukan ng Zamora administration ay higit pang paunlarin ng lokal na turismo sa San Juan sa pamamagitan ng kanilang pinaplanong paglulunsad ng ‘Food Trail’ na mga lugar kung saan mayroong inaalok na kakaibang food establishments, di lamang sa sarap ng mga putahe, kundi sa makulay na kasaysayan ng restaurant tulad na lamang ng Chuan Kee na nagsimula pa noong 1940.
Samantala, ipinagmamalaki ng may-ari ng restaurant na si Gerie na hindi ordinaryo at sa Chuan Kee lamang matatagpuan at malalasahan ang mga putahe na nagmula pa sa matagal na panahon sa Fujian, China. Ang pagluluto, rekado at lasa ng mga pagkain sa Chuan Kee ay hindi umano binago at nanatili sa tradisyunal na paraan na katulad noong unang hinahain ito sa Fujian, China
Kabilang sa mga inaalok na putahe ng Chuan Kee ay ang tradisyunal at masustansyang soups na may Chinese medicinal herbs at spices at kilalang may healing at aphrodisiac effects sa mga hihigop nito.
Mabibili din sa nasabing branch sa San Juan ang sikat na sikat na ‘hopia ube’ at tikoy, at iba pang produkto na matatagpuan sa Eng Bee Tin grocery stores sa Binondo, Manila .
Ang pinipilahan at sikat na sikat na putahe sa Great Buddha Cafe na ‘tendon rice’, ay available din sa Chuan Kee Restaurant sa San Juan.
Samantala, sinabi ni Zamora bilang pinuno ng Metro Manila Council (MMC) na nakatakdang magpulong ang local government units (LGUs) kasama ang mga kinatawan ng Land Transportation Office (LTO) at Metro Manila Development Authority (MMDA) upang ‘i-harmonize’ o pag-isahin ang implementing rules and regulations sa operations nge-vehicles.
“Kailangan tugma ang aming mga polisiya kaya nga ho di pa nagi-implement ang MMDA at di pa nagpapasa ng ordinansa ang mga LGUs, dahil ito ang panahon na hina-harmonize natin dahil napakaraming classification. Kahit ako ay naguilat, di lang pala one or three classification, depende sa size , sa speed, marami, so we have to get clearcut guidelines from the LTO kung alin ang dapat me rehistro o me driver’s license,” ani Zamora.
Ukol naman sa desisyon ng Supreme Court decision na bawal nang maniket ang mga LGUs o mag-issue ng official violation receipts (OVRs), sinabi ni Zamora na nasa LGU na ang desisyon kung gusto nitong mag-file ng motion for reconsideration o ipa-deputize ang kanilang traffic enforcers sa MMDA.
Ani Zamora: “Pagdating sa MRs, choice na po ‘yan ng mga local government units. Kung sa tingin nila gusto nilang mag-file ng MR, that’s their choice.”














