Latest News

AKSYON NI PBBM SA CENTENARIANS ACT, ‘GOOD NEWS’ PARA SA MAYNILA-MAYOR HONEY AT CONGRESSMAN CHUA

By: Jerry S. Tan

Isinalarawan nina Mayor Honey Lacuna at Congressman Joel  Chua (3rd district) bilang ‘good news’ ang naging hakbang ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na lagdaan ang  amendments sa Centenarians Act (Republic Act 11982), na aniya ay magandang balita para sa mga senior citizens sa Maynila.
“Good news ‘yan, dahil ang ating mga minamahal na senior citizens dito sa Lungsod ng Maynila ay kabilang sa mga tatanggap ng P10,000 cash gift mula sa national government pagsapit nila sa edad na 80, 85, 90, at 95 batay sa tagubilin ng bagong batas,” ani Mayor Honey.
Sa Maynila kasi, umaabot sa 180,000 ang senior citizens base sa record mula sa  Office of Senior Citizens’ Affairs (OSCA) sa ilalim ni Elinor Jacinto.
Nito lamang nakaraang taon ng 2023 ay mayroon nang 23 centenarians na binigyan ng local government ng P100,000 cash gift alinsunod sa isinasaad ng batas.
Mismong si Mayor Honey ang personal na nagde-deliver ng nasabing halaga sa bahay ng mga  centenarians. Pero sa Maynila, ang nasabing cash gift ay hiwalay pa sa P100,000 na ibinibigay ng  national government sa mga centenarians.
Nangangahulugan ito na ang bawat isang senior citizen ng Maynila na umabot sa 100 taon ang edad ay nakatatanggap ng  kabuuang P200,000 cash gift.
Ang senior citizens sa  Maynila ay tumatanggap din ng  monthly financial assistance na  P500 bukod pa sa birthday cakes, senior Christmas boxes at  buwanang alokasyon ng kanilang maintenance medicines.
Gaya ni Mayor Honey,  naghayag din ng kagalakan si Congressman Joel Chua (3rd district) sa ginawang paglagda ni President Marcos, Jr. sa nasabing amendments.
Mas maganda din, ani Congressman Chua, kung maisasama rin na sa ‘updating’ ng OSCA database ng records  sa Maynila ay tutugma ito sa records ng Philippine Statistics Authority,  National Commission of Senior Citizens at iba pang concerned national government agencies.
Sabi pa ni Chua, na miyembro din ng House Committee on Economic Affairs, ang mga residente ng Maynila  ay makikinabang sa  Tatak Pinoy (Proudly Filipino) Act o Republic Act 11981 na nilagdaan din ni President Marcos kasabay ng sa centenarians.
“Dati nang sentro ng kalakalan at negosyo ang Maynila mula pa noong bago pa man dumating ang mga mananakop na Espanyol. Kapag naipatupad nang maayos ng Tatak Pinoy Act, inaasahang mas lalakas pa ang mga produkto at serbisyong Pinoy, lalo na iyong mga itinatapat sa gawa ng ibang bansa, tulad ng electronics, highly-skilled professionals at specialists, artista, manunulat at mga produktong sakahan at pangingisda,” pahayag ni Chua.
Sa ginawang pagpuri nina Mayor Honey at Congressman Chua sa ginawa ni Pangulong Marcos, maliwanag na isinasantabi nila ang pulitika at binibigay nila ang kredito kung dapat naman kahit pa di nila kapartido.
* * *
Maaaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.
Tags: double tap, Jerry S, Tan

You May Also Like

Most Read