AIRPORT MEDIA, PINAGTANGGOL NI GM INES; SALAMAT SA MPD-STN 11 AT PASAY CCP POLICE

By: Jerry S. Tan

Ikinainis ni Manila International Airport Authority (MIAA) general manager Eric Ines ang pagtangging papasukin ang airport media sa parking lot ng NAIA Terminal 3 nitong Huwebes ng umaga, nang magtungo sila doon para mag-cover ng press conference ng Cebu Pacific.
Kasama ang inyong lingkod sa nabalam nang araw na iyon. Pangatlo ako sa nakapila nang mapuna ko na ung mga sasakyan na nauna sa akin na nakahinto lang at di pinapapasok ay mga
kasamahang media.
Maya-maya pa ay pinapasok na kami pati na ang ibang nasa likuran ko. Napag-alaman ko na dahil male-late na kami sa press conference ng Cebu Pacific ay tinawagan na ng kasamahang si Cherry Light na nasa unahang sasakyan, si GM Ines matapos sabihin ng guwardiya na wala nang mapaparadahan sa loob at kailangan daw makipag-coordinate muna ang media sa airport police department at operations.
Ipinasa ni Cherry ang telepono sa guwardiya na tinanong ni GM Ines ng ganito:  “May ID di ba? Papasukin ninyo.”
Ni hindi sinabi ni GM na GM siya at nagpakilala lang sa guard bilang si Eric Ines at aniya, ang hindi pagbibigay ng access sa media ay maaaring pagmulan ng duda na “may itinatago tayo.”
Ire-relieve daw ni GM Ines ang sinumang susuway sa access na ibinigay niya sa media, dahil siya mismo ang nakalagda sa ID ng airport media.
Ayon pa kay GM Ines, pupulungin niya ang mga sangkot sa pangyayari dahil ang gulo-gulo daw nila at kung sino-sino ang pinagagamit ng parking lot.
Bago pala ang pangyayaring ‘yan, maagang dumating ang isang opisyal ng Airport Press Club at nag-park sa isa sa dalawang magkatabing espasyong nakalaan sa media. Di siya agad bumaba ng kotse.
Maya-maya pa ay inalis ng guard ‘yung cone sa bakanteng parking slot at nagpa-park ng kotse na hindi kilala ng taga-APC. Tnanong niya ‘yung guard kung sino ‘yun at ang isinagot sa kanya ay “VIP” daw ito ng isang APD (airport police department).
Tama pala talaga si GM Ines. Sapul.
***
Kapuri-puri ang bilis ng responde at aksyon ng mga operatiba ng Manila Police District Station 11 sa ilalim ng Commander nitong si LtCol. Roberto Mupas, gayundin ng mga pulis mula sa Pasay City- CCP Complex sa ilalim ni Police Commander Maj. Paul Mandane.
Nito lamang April 14, Linggo, dakong alas-5 ng madaling-araw ay isang magnanakaw ng kable ang hinabol ng mga opisyal at tanod ng Barangay 41 at 33 sa Pasay City.  Nang malapit na itong masukol ay bigla nitong pinasok ang isang bahay sa may Alunan Sreet na nasa boundary ng Maynila at Pasay.  Tumawid ito sa kabilang bahay pero nahuli rin ng mga barangay.
Nagpapasalamat ang ninakawan at ang may-ari ng pinasok na bahay sa bilis ng pag-responde ng mga barangay authorities at lalo na ng mga pulis na
kinabibilangan nina PCMS. Rolly D. Caranto at Cpl. Jefferson Lising, kapwa ng MPD- Station 11.
Gayundin sa mga pulis ng Pasay City sa CCP Complex na sina Patrolman Charl David Manangat at Patrolman Elmer Mangubat, na mabilis ding
nagresponde sa pinangyarihan ng nasabing pagnanakaw. Kapuri-puri din ang paghabol sa suspek ng  grupo ni Barangay Chairman Tony Bohol ng Brgy 41 kasama sina kagawad Evelyn, Sulping at ex-o Boyet at mga barangay tanod na sina  JR,  Raprap at dating Kapitan Alvin.
Tunay silang mga huwaran ng serbisyo-publiko.
* * *
Maaaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128  para sa anumang reaksyon.
Tags: double tap, jerry s. tan

You May Also Like

Most Read