Latest News

AFP, NAGTALAGA NG BABAENG TAGAPAGSALITA SA KAUNA-UNAHANG PAGKAKATAON

By: Victor Baldemor Ruiz

SA KAUNA-UNAHANG pagkakataon ay nagtalaga ang Hukbong Sandatahan ng Pilipinas ng isang babaeng tagapagsalita.

Mismong si AFP chief General Romeo Brawner, Jr. ang opisyal na nagpakilala sa media kay Army Colonel Francel Margareth Padilla sa ginanap na pulong- balitaan sa Camp Aguinaldo, Quezon City.

Hinalinhan ni Col Padilla si Col. Medel Aguilar, ang deputy chief ng AFP Civil RelationS Service .


“I’d like to thank Col. Aguilar. He’s transitioning the role to me… I also want to thank the chief of staff for the trust and confidence given to me to be the new AFP spokesperson,” ani Padilla.

“We will still continue with whatever it is we are doing in terms of informing the public appropriately in terms of the thrusts of the AFP,” pahayag pa nito.


Si Padilla ay kasalukuyang commissioned officer sa Philippine Army Signal Corps. Siya ay nahirang din bilang Global Cybersecurity Woman Leader nitong taong 2023 at nahigitan niya ang mga nominees mula sa 62 bansa.

“My background in cybersecurity would really help in the out-of-the-box things we will be doing moving forward in terms of the guidance of the president,” ani Padilla, na miyembro ng Philippine Military Academy “Sanghaya” Class of 2000, at commander din ng Philippine Army’s 7th Signal Battalion, Army Signal Regiment.


Sa nasabing pagpapakilala sa kanya ay nilinaw ng bagong tagapagsalita na walang katotohanan na ‘off limits’ na ang mga retiradong military officers sa mga kampo ng military.

Magkasunod na pinabulaanan ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police ang panibagong mga isyung umuugong ngayon hinggil sa umano’y pagbabawal sa ilang mga retired generals na makapasok sa Camp Crame at Camp Aguinaldo.

Ang mga bali-balitang ito ay pumutok umano kasunod ng kamakailan ay muling pag-usbong ng isyu ng umano’y destabilisasyon ng ilang retiradong heneral ng PNP at AFP laban sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.

Ayon kay PNP Chief PGen. Benjamin Acorda, Jr. wala itong katotohanan at wala aniya siyang ibinababang direktiba hinggil sa ganitong uri ng kautusan na nagbabawal na papasukin ang mga retiradong heneral sa kampo ng national headquarters ng Pambansang Pulisya, bagay na parehong binigyang-diin ng AFP.

Kung maaalala, nakasaad sa mga lumabas na ulat ukol dito na ang pag-issue umano ng stickers para sa mga retired officials ng PNP at AFP upang mapahintulutang makapasok sa loob ng Kampo Crame at Kampo Aguinaldo ay kasalukuyang pina-hold umano at isinailalim sa kaukulang pagsusuri na layuning mapigilan daw ang anumang uri ng untoward incident.

Nilinaw ni Padilla na hindi totoong pinagbabawalang makapasok sa mga military camp ang mga retired generals. Hindi rin umano totoo na hindi na sila pina-iisyuhan ng security decals o sticker pass para makapasok sa mga kampo militar.

Wala umanong katotohanan at walang dahilan para ipagbawal na sila ay makapasok o huwag pagkalooban ng security decals ang mga retired military officers.

Paliwanag ni Padilla, posibleng may insidente lamang na may napigil sa gate na hinanapan ng proper identification o walang proper decals ang kanilang sinasakyan subalit hindi sila pinagbabawalan kaya may lumabas na ganitong isyu.

Paulit- ulit na nilinaw ng AFP na walang destabilization at katunayan, ayon kay AFP chief of staff Gen. Romeo Brawner, ay ni hindi nila ito natalakay at hindi rin personal na pinag-usapan ni Pangulong Marcos nang dumalo ito sa sinagawang command conference ng mga senior military officers ng AFP.

Katunayan pa, ayon kay Brawner, ay hindi kailangan pa na magsagawa ng loyalty check sa kanilang hanay.

“I have personally..I gauged that there is no need for a loyalty check and that our commanders and our troops remain loyal to our constitution,” ayon pa sa chief of staff.

Tags: AFP chief General Romeo Brawner, Jr.

You May Also Like

Most Read