PINASIMULAN na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagre-reposition ng kanilang puwersa mula sa Mindanao patungong Samar at Panay upang selyuhan na ang kanilang strategic victory laban sa Communist Party of the Philippines at armadong galamay nitong New People’s Army o NPA.
Ito ay kasunod na rin ng pahayag ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na dalawa na lamang ang nalalabing active communist NPA guerilla front sa bansa.
Nabatid na mula sa dating 89 ay may 22 na lamang na guerilla fronts ang nalalabi sa buong bansa at maliban sa dalawang aktibong front, 75 percent o 20 nito ay mga weakened armed groups na lamang.
Pahayag ni dating AFP chief at ngayon ay NTF-ELCAC Vice Chairman Eduardo Ano, “the President’s marching orders to the NTF ELCAC is clear: Sustain the whole-of-nation approach to peace and development to prevent Communist terrorists, their front organizations and other lawless elements from recruiting, regrouping, and regaining power.
Ayon naman kay AFP Chief of Staff Gen. Andres Centino, ang naturang hakbang ay alinsunod sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na paigtingin pa ang operasyon laban sa NPA makaraang makamit nila ang umano’y tinatawag na strategic victory.
Samantala , naniniwala si Gen. Centino na umaaktong Task Force Secretariat na malinis na mula sa insurgency ang ilang lugar sa Western at Eastern Mindanao, kaya’t nagpasya siyang ilipat na ang kanilang pwersa sa Samar at Panay upang tutukan ang mga nalalabing rebeldeng NPA .
“Within the year, we will be able to address these remaining active fronts although mayroon pa rin tayong hinahabol na prente or what we call weakened. We have sufficient forces to address these threats,” dagdag pa ng heneral.