NAG-DEPLOY kahapon ang Armed Forces of the Philippines ng 14 na Search, Rescue and Retrieval teams sa mga lugar na tinamaan ng lindol sa Northern Luzon bunsod ng magnitude 7.3 earthquake na yumanig sa Abra kamakalawa ng umaga.
Itoy ay bunsod ng mga nakakalap na report na bukod sa limang naiulat na namatay ay mahigit sa 131 ang sugatan at posibleng may mga “missing persons” din na natabunan ng mga landslides at pagguho ng ilang gusali o kabahayan sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng lindol.
Ayon kay Col. Jorry Baclor, chief ng Public Affairs Office ng AFP, simula pa kamakalawa ng umaga ay kumikilos na ang mga tauhan ng AFP Northern Luzon Command na pinamumunuan ni Lt.GeN. Ernesto Torres Jr.
Kabilang sa mga first responder ang Philippine Army 24th Infantry Battalion na tumulong sa pag-evacuate ng mga pasyente sa ospital sa Bangued, Abra.
Ang 71st IB naman ay nag-deploy ng personnel upang sagipin ang mga apektadong residente ng Vigan, Ilocos Sur habang ang 54IB, 72nd Division Reconnaissance Company, 502nd Infantry Brigade, at Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) Active Auxiliary units ay tumulong sa road clearing, nagbigay ng transportation assistance at nagsagawa ng search and rescue operations sa iba’t ibang bahagi ng Northern Luzon.
Samantala, inatasan na rin ang 525th Engineering and Construction Battalion ng Philippine Army; 505th Search and Rescue Group ng Philippine Air Force; at ang Naval Installation Command ng Philippine Navy na tumulong sa rescue efforts sa Northern Luzon.
Sa ngayon, tuloy-tuloy ang militar sa pagsasagawa ng search, rescue and retrieval operations habang ang ibang kawani ay tumutulong sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamahagi ng relief assistance sa mga apektado nating kababayan.
Una nang ipinag-utos ni Lt. Gen. Ernesto Torres, Jr, Commander AFP Northern Luzon Command (NOLCOM), ang pagsasagawa ng aerial survey gamit ang kanilang C208 aircraft at iba pang air asset na nasa ilalim ng kanyang command.
“The AFP leadership has ordered its units through the Northern Luzon Command to maximize the utilization of personnel, equipment, and other resources to support the humanitarian assistance and disaster response efforts of the local and national governments in badly hit areas to alleviate the situation of the affected residents, ani Col Baclor. (VICTOR BALDEMOR)