GUMAWA ng paglilinaw kahapon ang pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na manatiling non-partisan ang hukbong sandatahan at ang inihayag nito na background checking sa mga kandidato para sa nalalapit na May 2025 midterm election ay walang kikilingan.
Layunin lamang umano ng kanilang isinasagawang background check o intelligence gathering sa mga kandidato sa halalan ay para tulungan ang Commission on Election (Comelec) na matiyak ang integridad ng electoral process at protektahan ang national security.
Ito ay matapos na ihayag ni AFP Chief of Staff General Romeo Brawner na isasalang nila sa background check ang mga kandidato para matiyak na walang foreign influence na mananaig sa gaganaping midterm election.
Ayon kay AFP Public Affairs Office chief Col Xerxes Trinidad, ginagawa lamang ng militar ang kanilang trabaho at mananatiling non-partisan ang AFP sa electoral process.
Layunin lamang umano nito na maiwasan na ng pamahalaan ang nangyari sa nakaraang halalan.
Sa pahayag ni Brawner, bahagi din umano ito sa mga paghahanda na isinasagawa ng militar para sa nalalapit na midterm elections lalo na kung may potensyal na pakikialam mula sa mga “foreign actors”.
Inihayag ni Brawner na oras na may nakita silang kandidato na nasa kategorya na “red flags” ay agad nila itong ipagbibigay-alam sa Comelec.
Paliwanag naman ni Col. Trinidad, katuwang nila ang PNP at Comelec sa nasabing hakbang at nakatutok ito sa mga potensyal na banta sa seguridad at panghihimasok ng dayuhan na magdudulot ng masamang impluwensya.














