KASALUKUYANG nagsasagawa ngayon ng kani-kanyang pagsasanay ang Armed Forces of the Philippines kasama ang kanilang mga US counterparts.
Pinasimulan na ang Marine Exercise 2024 o MAREX 2024 ang sabayang pagsasanay ng Philippine Marine Corps at United States Marine Corps.
Nagsimula na rin ang ‘Cope Thunder’ ng Philippine Air Force at kanilang counterpart sa United States Air Force.
Maging ang Philippine Army ay pinasimulan na rin ang kanilang SALAKNIB 2024.
Napag-alamang ito ang kauna-unahang bilateral exercises ng Philippine Navy- Marine na isinagawa sa rehiyon ng Central Mindanao, kung saan kabilang sa mga lugar na pagdarausan ng pagsasanay ay ang Camp Iran Un sa Brgy. Togaig, Barira at Brgy. Pura, Datu Blah Sinsuat na pawang nasa Maguindanao del Norte.
Ayon sa ulat, kabilang sa mga aktibidad na ikakasa sa MAREX 2024 ay ang serye ng Subject Matter Exchange Exercise, Combined Field Training Exercise, Communication, Tactical Combat Casualty Care, Urban and Jungle Operations, Logistics, Marksmanship, Planning and Orders Development at Community Relations and Humanitarian Assistance activity.
Sasabak naman sa pagsasanay ang may 4,000 sundalo mula sa Philippine Army (PA) 5th at 7th Infantry Division at United States Army Pacific (USARPAC) 3rd Infantry Brigade Combat Team, 25th Infantry Division, para sa taunang Exercise Salaknib na pinasimulan sa 1st Brigade Combat Team (1BCT) Headquarters sa Fort Magsaysay, Nueva Ecija .
Nagsisimula na rin umano ang Cope Thunder-Philippines 2024 (CT PH 24-1) sa pagitan ng Philippine Air Force at United States Air Force kasunod ng naganap na opening ceremony sa Basa Air Base sa Floridablanca, Pampanga.
Masasabak sa mga nakalatag na pagsasanay ang may 700 airmen at PAF FA-50PH fighter jets, USAF F-16 at C-130J aircraft na gaganapin naman sa Northern Luzon Intensive Military Training Area, Basa Air Base at Brigadier General Benito N Ebuen Air Base, na tatagal hanggang April 19 at kasabay na matatapos ng MAREX 2024.














