KASALUKUYANG nakikipag-ugnayan na din ngayon ang pamunuan ng Armed Forces of the Philippine sa sa iba’t-ibang law enforcement agencies ng pamahalaan para tumulong sa pagtiyak na magiging maayos at mapayapa ang gaganaping kapistahan ng Poong Hesus Nazareno, partikular sa tradisyunal na ‘Traslacion’.
Bukod sa intelligence gathering ay handa ring mag-deploy ng sapat na puwersa ang AFP-Joint Task Force NCR para tiyakin ang kapayapaan at kaayusan sa tradisyon ng mga namamanata sa Poong Hesus Nazareno.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Col. Xerxes Trinidad, magdadagdag ng pwersa ang militar para tumulong sa pagbibigay seguridad sa Traslacion ng Poong Hesus Nazareno sa Quiapo, Maynila.
Magugunitang idineklara ng Malacañang ang Enero 9, 2025 bilang special (non-working) day sa Lungsod ng Maynila kaugnay sa selebrasyon ng kapistahan ng Poong Nazareno na inaasahang dadaluhan ng milyon- milyong deboto.
Nakasaad ang deklarasyon sa Proclamation No. 766 na pinirmahan ni Executive Secretary Lucas Bersamin.
Nasa mahigit 12,000 pulis naman ang ikinasang ide-deploy ng PNP-National Capital Regional Police Office sa kasagsagan ng Kapistahan, habang mahigit 2,000 naman ang suporta mula sa partner nitong mga ahensya.