AFP, KINONDENA ANG PANANAMBANG NG DAWLAH ISLAMIYA SA APAT NA SUNDALO

By: Victor Baldemor Ruiz

TINIYAK ng pamunuan ng Philippine Army na tutugisin nila at hindi lulubayan ang mga teroristang kasapi ng Dawla Islamiyah – Hassan Group na nasa likod ng pananambang sa apat na sundalo NA namilli lamang ng pagkain na ihahandog sa mga kapatid na Muslim sa pagtatapos ng kanilang pag-aayuno kaugnay sa paggunita ng Ramadan kamakalawa ng umaga sa Datu Hoffer Ampatuan, Maguindanao del Sur .

Kinondena ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippine sa pinakamataas na antas ang brutal na pagpatay sa apat na sundalo na kinilalang sina: Pvt. Marvin Dumaguing, Pvt. Jessie James Corpuz, Pfc. Carl Araña at Cpl. Cris Zaldy Espartero pawang mga tauhan ng 6th Infantry Division.

“The AFP vows to hunt down the perpetrators and neutralize these ruthless killers to finally put a stop to their violent acts that disrupt peace and stability in the region. We assure the Filipinos that your Armed Forces is firm on its resolve to perform our mandate of protecting the people and the state,” mariing pahayag ni AFP chief of Staff Romeo Brawner, jr.


Ayon sa 6th Infantry Division, ang mga biktima ay napatay habang lulan ng isang civilian vehicle at pabalik na sila sa patrol base sa Tuayan 1, Datu Hoffer, Maguindanao del Sur dakong alas-10 ng umaga, matapos na makapamili ng mga pagkain para sa Iftar na ipapamahagi sa Muslim community sa kanilang lugar.

Sinabi ni 6th Infantry Division commander Major General Alex Rillera na kanilang mahigpit na kinokondena ang pangyayari lalo na at naganap ang insidente ngayong panahon ng Ramadan.

Ayon kay Rillera, pinuno ng 6ID/JTFC, walang kalaban-laban ang mga tropa ng sundalo nang paslangin ang mga ito habang sakay sa isang sibilyan na sasakyan pabalik sa kanilang patrol base.

Galing umano sa bayan at namili ng mga pagkain para sa kanilang pa- “iftar” (pagkain ng mga nag-aayuno matapos na lumubog ang araw) sa mga kapatid na Muslim sa komunidad na nag-aayuno malapit sa patrol base ng mga sundalo.


Napag-alaman na tuwing Ramadan ay nakaugalian na ng tropa na magsagawa ng “Iftar” sa mga sibilyang Muslim na pinoprotektahan ng mga sundalo.

Tinawag naman ni Lt General Roy Galido, pinuno ng Philippine Army, na duwag at hindi makatao ang pananambang na ito ng mga kalaban na itinaon pa sa kasagsagan ng pagbubulay-bulay ng mga kapatid na mananampalatayang Islam ngayong panahon ng Ramadan at nalalapit na pag-obserba ng Semana Santa sa mga Kristiyano.

Ayon kay Galido,” We also stand in solidarity with the families of our four fallen heroes who paid the ultimate sacrifice. Appropriate benefits and assistance will be provided to their families to help them during this trying time. “


Tags: Armed Forces of the Philippine

You May Also Like

Most Read