KUNG ipag-uutos ng korte na ma-transfer sa kanilang kustodiya ang mga terorista o hard core criminals na may kinakaharap pang kaso ay tatalima ang Armed Forces of the Philippine.
Ayon kay AFP spokesman Col. Medel Aguilar, korte ang magsasabi kung saan at kung ipag-uutos ng korte ay susunod umano sila.
Paglilinaw ni Col Aguilar, sakaling atasan sila ng korte ay masusi itong pag- aaralan at paghahandaan ng AFP.
Una rito ay inihayag ni Philippine National Police chief General Rodolfo Azurin, Jr. na kung siya ang masusunod, ay mas gusto niya na ‘yung mga terrorist detainees ay i-transfer sa AFP.
Layunin umano nito na maiwasan na rin ang kahalintulad na pangyayari na tangkang pagtakas at hostage-taking kay Senator Leila de Lima sa loob ng Camp Crame Custodial Center.
Ani Medel, gagawin nila na lahat ng dapat gawin para maiwasan yung mga ganyang pangyayari.
Napag-alaman na wala nang hawak na detainee na may kasong terorismo ang AFP at lahat ng mga nahuhuli ay “under law enforcement operation” at lahat ay nasa PNP , ani Medel.
Magugunitang ipinag-utos ni General Azurin ang pagsasagawa ng malalimang imbestigasyon sa tangkang pagtakas ng tatlong Person Under PNP Custody (PUPC) sa custodial facility, kabilang dito ang isang kilabot na lider ng Abu Sayyaf na may 34 iba’t-ibang kasong kinakaharap .
Kinilala ang tatlong PUPC na sina Arnel Cabintoy, Idang Susukan at Feliciano Sulayao, Jr.
Si Susukan ay dinakip ng PNP noong Agosto 13, 2020, matapos na umano’y isuko ni MNLF chairman Nur Misuari, Siya ay ‘wanted’ sa ilang high-profile kidnapping cases na may mga pinatay na hostages. Sinasabing ‘wanted’ din ito sa Malaysia at kasabwat nina Malaysian terrorists Zulkifli Abdihur a.k.a. Marwan at Amin Baco a.k.a. Yohan .
Sinasabing hiniling ng AFP na ilipat sa kanilang kustodiya si Susukan dahil sa maraming kasong kinakaharap nito sa hukbong sandatahan at kailangang sumailalim ito sa military debriefing subalit pinanatili sa kustodiya ng PNP. (VICTOR BALDEMOR)














