IPINAGMAMALAKI ng Armed Forces of the Philippine at pamunuan ng Philippine National Police na na-idineklarang generally peaceful ang unang State of the Nation Address ni Pngulong Ferdinand Bongbong Romualdez Marcos Jr. kamakalawa ng hapon sa Batasang Pambansa Complex sa Quezon City.
Katunayan sa ulat na isinumite kay PNP Officer in Charge Ltgen Vicente Danao Jr., ng PNP- National Capital Region Police Office (NCRPO) na nakapagtala ang kapulisan ng zero crime incidence sa panahong ng deliberation sa unang SONA ni PBBM.
Ayon kay NCRPO Chief Police Major General Felipe Natividad, masasabi nilang generally peaceful ang pagdaraos ng SONA ng pangulo sa tulong ng mahigit dalawampu’t dalawang libong law enforcers at peacekeepers na ipinakalat ng PNP at AFP .
Sinasabing naimplementa ng maayos ang mga polisiya, batas at procedures upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan hindi lamang para sa kaligtasan ni Pangulong Marcos at mga bisitang dumalo sa SONA kundi pati na mga anti at pro-government rallyist.
Nabatid pa na inayudahan ng Philippine Army ang Presidential Security Group (PSG) at AFP-Joint Task Force-CR para matiyak na magiging maayos at mapayapa ang unang SONA ng pangulo.
Nagdeploy ng kanilang pwersa ang Philippine Army kasama ang kanilang mga assets , bukod pa sa mga sundalong itinalaga para sa civil disturbance management , dalawang urban search and rescue teams, ambulance medic team, at communications van, na nasa ilalim ng operational control ng AFP Joint Task Force NCR’s national security contingent.
Bukod sa ambulance medic team na idineploy ay nagtala rin ang Hukbong Katihan ng sampung explosive ordnance disposal teams, tatlong K9 teams at armored vehicle para palakasin ang Presidential Security Group.
“As government administrators come and go, the Philippine Army, as part of the AFP, will comply with the instructions of the Commander-in-Chief to secure the peace in the country and support the law enforcement operations to pave way for the development of the nation, ani Col Xerxes Trinidad , Army spokesman.
Pinasalamatan naman ng mga sundalo at pulis ang pakikipagtulungan at pagkakaisa ng iba’t ibang tanggapan at units na pinakinabangan ng mga lumahok sa kilos-protesta at sumuporta sa punong ehekutibo.
Binati naman ni Natividad ang nasa limanlibong indibidwal na naglabas ng mga hinaing kontra sa gobyerno at sa humigit-kumulang anim na libong kaisa sa programa at plano ng pamahalaan dahil sa pagiging responsable para bantayan ang kanilang hanay (VICTOR BALDEMOR)