KAPWA naka-alerto ang buong puwersa ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police kasunod ng pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa bisa ng warant of arrest na inilabas ng International Criminal Court (ICC).
Ayon sa militar at kapulisan. ‘generally peaceful’ ang sitwasyon ng bansa matapos ilipad patungong The Hague, Netherlands si dating Pangulong Duterte.
Ayon kay Col. Francel Margarete Padilla, tagapagsalita ng AFP, “while the security situation remains stable, the AFP is actively monitoring developments and is prepared to respond appropriately to any threats to peace and order. We assure the public that we maintain a high state of readiness.”
Pinabulaanan din ng AFP na may naging epekto sa hanay ng kasundaluhan ang mga kaganapan.
“Speculations of military action or unrest has no basis. We remain to be solid and professional, unequivocally committed to the chain of command and the democratic institutions of the Philippines,” ani Padilla.
Kinumpirma din ng ng PNP na maayos ang sitwasyon sa bansa matapos maaresto si Duterte dahil sa kanyang kinahaharap na kasong ‘crimes against humanity’ sa ICC.
Si Duterte ay lulan ng chartered jet at tumulak pa-Netherlands dakong alas-11:03 kamakalawa ng gabi kasama si dating Executive Secretary, Atty. Salvador Medialdea at iba pa.
Kasunod nito, tiniyak ni PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil na tuloy-tuloy sa pagmo-monitor at pagbabantay ang Pambansang Pulisya sa posibleng mga kaganapan o kilos-protesta matapos maaresto ang dating pangulo.
Ani Marbil, nananatiling ‘under control’ ang sitwasyon ngayon sa buong bansa.
Maaalalang kahapon, ayitinaas sa ‘heightened alert’ ang status sa buong bansa bilang bahagi ng standard security measures kung saan naka-deploy ang mga pulis sa ‘key areas’ at may nakahandang PNP units na handang rumesponde kung kinakailangan.