NGAYON pa lamang ay nakabantay na ang Armed Forces of the Philippines at maging ang Philippine National Police sa posibleng paghahasik ng karahasan ang armadong galamay ng Communist Party of the Philippine, ang New People’s Army, para patampukin ang kanilang ika-53 taon ng pagkakatatag.
Ayon sa AFP hindi na nila kailangan magtaas pa ng antas ng alert level para lamang sa NPA anniversary dahil lagi naman silang naka alerto at tuloy tuloy ang kanilang ginagawang military operation laban sa communist terrorist group na ayaw pang talikuran ang kanilang ipinaglalaban simula pa nung March 29, 1969.
Pahayag naman ng Philippine Army , hindi sila nagbaba ng alerto bilang paghahanda sa nalalapit na presidential and local election upang tiyakin na magiging maayos, mapayapa at malinis ang magaganap na halalan sa Mayo 9, 2022
At kabilang sa kanilang paghahanda ang pagsupil sa anumang banta ng terorismo at karahasan mula sa mga teroristang grupo kasma na ang CPP-NPA na pakay nilang wakasan sa mga susunod na buwan.
Tiniyak naman ni PNP Chief PGen. Dionardo Carlos na handa ang pambansang kapulisan sa anumang planong paghahasik ng karahasan ng CPP-New Peoples Army (NPA) sa kanilang anibersaryo .
Kayat tuloy tuloy ang pagpapa-igting ng kanilang intelligence network at ginagawang koordinasyon sa AFP na katulong nila sa pagpapatupad ng seguridad.
Sa isang pahayag “Historically, there are documented incidents of high-profile tactical engagements against government forces, and hostilities against soft targets launched by the CPP-NPA to mark the CPP anniversary every December 26th, and the NPA anniversary on March 29th,”
Noong nakaraang taon , ilang araw bago ang anibersaryo ng NPA ay walong rebelde ang napatay ng PNP at AFP sa Guihulngan City sa Negros Oriental na nagbabalak na magsagawa ng opensibang guerilya para makulayan ang kanilang 52nd anniversary.
Tradisyunal na kasi na nagsasagawa ng pag-atake ang NPA sa mga pulis at sundalo sa araw na ito bilang pagpapakita ng pwersa.
Ayon kay Carlos, mahigpit na minomonitor ng PNP ang kilos ng NPA at nagsasagawa na ng kaukulang mga hakbang para kontrahin ang anumang terrorist plot ng mga komunista.
Kaugnay naman ng personal na seguridad ng mga kandidatong may beripikadong banta sa kanilang buhay, sinabi ni Carlos na posibleng ngayong araw ay simulan na nila ang pagdedeploy security detail para humihingi ng dagdag na seguridad sakaling aprubahan na ng Comelec.
Inaasahan ng Philippine National Police (PNP) ang mas mainit na political rivalry sa pagsisimula ng kampanya para sa mga lokal na kandidato sa March 25. (VICTOR BALDEMOR)