NGAYON pa lamang ay tinitiyak na magtatalaga ng sapat na crowd control personnel ang Philippine National Police katuwang ang Armed Forces of the Philippine at mahigpit umanong babantayan ng Civil Disturbance Management Unit ng PNP ang mga kilos-protesta na ilulunsad sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Ayon kay PNP Director for Operations Police Major General Val de Leon, mayroon silang itinalagang mga pulis para sa crowd control management upang matiyak ang kaayusan at kapayapaan sa SONA.
Una na ring nagpahayag ang Philippine Army na nakahanda silang suportahan ang PNP sa pagtiyak ng seguridad sa gaganaping SONA ng pangulo.
Nabatid na naghahanda rin ng sapat na puwersa ang AFP-Joint Task Force-NCR para ayudahan ang crowd control unit ng PNP.
Bukod sa nakatalagang puwersa ng AFP-JTF-NCR para tumulong sa pangangalaga sa seguridad at civil disturbance management ay may augmentation force din na hinugot mula sa general headquarters at AFP major services para magsilbing standby force sa loob ng kampo.
Nagbabala ang kapulisan na tanging sa mga freedom parks lang maaaring magdaos ng mga pagkilos lalo na hanay ng mga militanteng grupo .
Ayon kay MGen. De Leonm, magkakaroon lang ng pagresponde ang mga pulis kung lalabas ang mga militante sa mga freedom park, magmamartsa at magpupumilit makalapit sa Batasang Pambansa.
Kasunod nito, nanawagan ang PNP sa mga raliyista na payapang idaos ang kanilang mga pagkilos sa SONA ni PBBM.
Una nang kinumpirma ng grupong Bayan at ng iba pang makakaliwang grupo na magtitipon-tipon sila sa Hulyo 25 upang ipahayag ang pagkadismaya sa pagkakaluklok sa pwesto ni Marcos, Jr.
Samantala, nakapagpadala na ang Kamara ng imbitasyon sa 1,300 mga bisita tulad ng mga dating presidente at bise presidente, mga mahistrado, diplomats, matataas na opisyal ng pamahalaan at iba pa.
Ngayong linggo, inaasahang minor meetings na lamang ang isasagawa ng Task Force para sa SONA, habang sa darating na Biyernes ay naka-lockdown na ang Batasang Pambansa. (VICTOR BALDEMOR)














