PUSPUSAN ang ginagawang pagkilos ngayon ng Armed Forces of the Philippine at Philippine National Police para madakip sa lalong mabilis na panahon ang suspek sa Rural Transit Bus bombing sa Parang Maguindanao, bunsod na rin ng utos mula sa Malacanang.
Inatasan ni PNP Chief PGen. Dionardo Carlos si Police Regional Office – Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) Regional Director PBgen. Arthur R Cabalona na gamitin ang lahat ng “available resouces” para sa ikadarakip ng responsable sa nangyaring pagpapasabog sa passenger bus na ikinasugat ng anim katao.
Ito ay kasunod ng ginawang pagpapalabas ng PNP- BARMM ng artist’s sketch ng itinuturing na person of interest sa nangyaring pagsabog ng hulihang bahagi bus sa Barangay Making, bayan ng Parang, nitong Linggo ng umaga .
Nabatid na nakabuo ng cartographic sketch ang mga awtoridad matapos na tumutugma ang larawang nakuha mula sa CCTV sa loob ng bus sa testimonya ng ilang pasahero.
Lumilitaw sa pagsisiyasat ng binuong Special Investigation Task Force ng PNP-BARMM na ang lalaking isinalarawan ay isa sa 23 pasahero na bumaba bago ang naganap na pagsabog.
“Based po sa nakuhang impormasyon ng ating mga imbestigador, wala na naman pong mga demands, walang insidente that can be attributed to extortion. Kaya ang lumalabas ngayon na angle of investigation is the rivalry between van operators at ng Rural Transit Bus,” pahayag ni PNP BARMM regional director Police Brig. Gen. Arthur Cabalona.
Ayon sa PNP BARMM, mula sa cellphones, blasting caps, high explosives na may pako, at scrap metals ang ginamit na mga IED components.
Napag-alaman din ng awtoridad na bukod sa bombang sumabog, isang secondary IED rin ang natagpuan ng EOD team sa isa pang bahagi ng bus na agad na disrupt.
Nagpapagaling sa ospital ang anim na sugatan sa pagsabog, kabilang ang konduktor ng bus.
Galing sa General Santos City ang bus at patungo ng Dipolog City nang mag stop over sa Brgy Making sa Parang upang makapag-agahan ang mga pasahero nang mangyari ang pagsabog.
Kinondena naman ni Maj. Gen. Juvymax Uy, commander ng Joint Task Force Central at 6th Infantry Division, ang nasabing insidente at pinayuhan ang publiko na manatiling maging alerto at mapagmatyag laban sa mga may gawa ng pag-atake.
Nanawagan si Mgen. Uy sa publiko na agad na ireport sa kinauukulan kung mayroong kahina-hinalang indibidwal at aktibidad sa kanilang mga komunidad.
Nanawagan din ang military sa publiko na ipagbigay alam sa pulisya ang anumang impormasyon na makakatulong sa pagtukoy at pag-aresto na nasa likod ng pambobomba. (VICTOR BALDEMOR)














