AFP AT PCG, UMALMA; US, NABAHALA SA PAGHARANG AT PAGBOMBA NG CHINA COAST GUARD NG TUBIG SA SUPPLY VESSEL PARA SA MGA SUNDALO

By: Victor Baldemor Ruiz

TAHASANG kinondena ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippine at Philippine Coast Guard ang mapanganib na pakikialam ng China Coast Guard na sinasabing kaibigan ng Pilipinas nang harangin nila at gamitan ng water cannon ang isang civilian vessel na maghahatid lamang ng supply sa mga sundalong naka-station sa BRP Sierra Madre sa bahagi ng Ayungin Shoal na nasa loob ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.

Maging ang United States ay nagparating ng pagkabahala sa peligrosong aksyon na ginawa ng China Coast Guard sa isang sibilyan na barko na inarkila ng militar para magdala lamang ng supplies.

Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Col. Medel Aguilar nakakabahala ang ginawang pagpapakita ng excessive force ng China Coast Guard laban sa mga barko ng Pilipinas.


Kinumpirma ni Aguilar na hinarang at na water-cannon ng CCG nitong Sabado ng umaga ang nasabing chartered vessel habang naglalayag patungong Ayungin Shoal para sa isang routine troop rotation at resupply mission.

Hindi man lamang inisip ng Chinese coast guard ang peligro na dulot ng kanilang ginawa sa mga taong sakay sa nasabing barko, pahayag ng AFP.



“Nanawagan kami sa China Coast Guard at Central Military Commission na kumilos nang may pag-iingat at maging responsable sa kanilang mga aksyon upang maiwasan ang mga maling kalkulasyon at aksidente na mapanganib sa buhay ng mga tao,” pahayag pa ng AFP.

Binatikos din ni Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng PCG West Philippine Sea, ang mga ginawang aksyon ng CCG, na tinawag nilang “paglabag sa International Laws.


Kabilang sa mga batas na sinasabing nilabag ng CCG, ayon sa PCG, ay kinabibilangan ng 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), 1972 Convention on the International Regulations for Preventing Collisions at Sea (COLREGS) at ang 2016 ruling ng Permanent Court of Arbitration (PCA) na pumapabor sa Pilipinas.

“Nanawagan ang PCG sa China Coast Guard na pigilan ang mga puwersa nito, igalang ang mga karapatan ng Pilipinas sa eksklusibong sonang pang-ekonomiya at continental shelf, iwasang hadlangan ang kalayaan sa paglalayag at gumawa ng naaangkop na aksyon laban sa mga indibidwal na sangkot sa labag sa batas na insidenteng ito, “ani Tarriela.

“Hinihiling namin sa China Coast Guard, bilang isang organisasyon na may responsibilidad na sundin ang mga obligasyon ng estado sa ilalim ng UNCLOS, COLREGs, at iba pang nauugnay na instrumento ng internasyonal na kaligtasan at seguridad sa maritime, na itigil ang lahat ng mga ilegal na aktibidad sa loob ng maritime zone ng Pilipinas,” dagdag niya. .

Agad ding nagpahayag ng suporta ang United States sa Pilipinas sa kanilang inilabas na pahayag na ang mga aksyon ng China ay “direktang nagbabanta sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon.”

Sa inilabas na statement kamakalawa ng US Department of States… Firing water cannons and employing unsafe blocking maneuvers, PRC ships interfered with the Philippines’ lawful exercise of high seas freedom of navigation and jeopardized the safety of the Philippine vessels and crew.

“Such actions by the PRC are inconsistent with international law and are the latest in repeated threats to the status quo in the South China Sea, directly threatening regional peace and stability. By impeding necessary provisions from reaching the Filipino service members stationed at Second Thomas Shoal, the PRC has also undertaken unwarranted interference in lawful Philippine maritime operations” dagdag pa ng state department.

Tags: Armed Forces of the Philippine, Philippine Coast Guard

You May Also Like