Isasarado na ng Commission on Elections (Comelec) ang kanilang automated election system (AES) servers at network infrastructure bukas, Mayo 30.
Ito’y tatlong linggo matapos ang idinaos na May 9 national and local elections sa bansa at kasunod na rin nang matagumpay na proklamasyon sa mga nanalong kandidato sa eleksiyon, sa pangunguna nina President-elect Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at Vice president-elect Sara Duterte-Carpio.
Sa inilabas na advisory nitong Linggo, sinabi ng Comelec na isasagawa ang shutdown ng AES servers at network infrastructure dakong alas-9:00 ng umaga, sa presensiya ng mga political parties at citizens’ arm groups.
Idaraos ito sa mga data centers na kinabibilangan ng Central Data Center sa PLDT Vitro Taguig, na matatagpuan sa 1st Floor ng Bonifacio Technology Center, 31st St., Bonifacio Global City, Taguig; Transparency Data Center sa PLDT Vitro Parañaque, na matatagpuan sa Rack IT Elorde Compound, Brgy. San Antonio, Sucat, Parañaque City at Back-up Data Center sa Data One, na matatagpuan sa 6th Floor IBM Plaza, Eastwood City Cyberpark, E. Rodriguez Jr. Avenue, Quezon City.
“The public is hereby informed that the Commission on Elections on 30 May 2022 will commence the shutdown of the AES system and network infrastructure in relation to the 2022 National and Local Elections,” paabiso pa ng Comelec.
Dahil sa security reasons sa data centers, hindi naman bukas sa media coverage ang naturang aktibidad.
Sa halip, ila-livestream na lamang ito sa kanilang official Comelec Facebook page na facebook.com/comelec.ph at YouTube Channel na youtube.com/COMELEC.
Magpapalabas rin ang Comelec ng mga opisyal na larawan sa sandaling matapos na ang aktibidad. (Jaymel Manuel)