LALARGA na muli ang bakunahan ng booster shot sa “adolescent group” o iyong nasa 12-17 taong gulang na mga bata makaraang magbigay na ng suportado dito ang Health Technology Assessment Council (HTAC), ayon sa Department of Health (DOH) kahapon.
“The HTAC reaffirmed its support for the efficient and effective implementation of the COVID-19 vaccination program for all adolescents, to achieve high coverage and protection,” ayon DOH spokesperson Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Unang hinarang ng HTAC ang implementasyon ng adolescent booster vaccination dahil sa hiling na kailangang mabakunahan muna ng booster shot ang 40% ng populasyon ng senior citizen. Nakipagdayalogo dito ang National Vaccination Operations Center (NVOC) dahil sa mababang resulta ng booster vaccination.
Sa maisagawa ang bakunahan, kailangan na may Emergency Use Authorization (EUA) mula sa Food and Drug Administration (FDA) ang bakunang gagamitin; may rekomendasyon ng HTAC; at may “implementation guidelines” mula sa NVOC.
Gagamitin ng NVOC ang Pfizer-BioNTech COVID-19 vaccine na tanging nabigyan ng EUA para sa bakunahan sa mga bata.
Wala pa namang eksaktong peta kung kailan uumpisahan ang booster vaccination sa adolescent dahil sa hinihintay pa ang ilalabas na panuntunan ng NVOC.
“NVOC will be releasing implementation guidelines very soon,” dagdag ni Usec. Vergeire. (Jaymel Manuel)














