Inantabayanan kahapon ng mamamayan na nakatutok sa gaganapin May 9, 2022 national and Local election kung sino ang hihirangin ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte bilang officer in charge ng Philippine National Police na hahalili pansamantala sa mababakanteng pwesto ni PNP chief Police General Dionardo Carlos
Inihayag ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na nakatakdang magdesisyon kahapon araw ng martes si Pangulong Rodrigo Duterte kung sino ang kanyang pipiliin na maging susunod na OIC PNP chief.
Si PNP chief Gen. Dionardo Carlos ay nakatakdang magretiro sa serbisyo sa May 8,2022, isang araw bago ang halalan.
Una ng sinabi ni Año na dalawang pangalan ng PNP officers ang kanyang isinumite kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Kung ang PNP leadership ang susundin, si PNP Deputy Chief for Administration Lt. Gen. Rhodel Sermonia ng PMA Class of 1989 ang siyang dapat susunod sa pwesto bilang number 2 man ng pambansang pulisya.
Bukod kay Sermonia, si PNP Deputy Chief for Operations Lt. Gen. Vicente Danao Jr ang isa sa mga pinagpipilian din na miyembro ng PMA CLass of 1991
Subalit kamakalawa ay umangat ng isang hakbang ang posisyon ni Police Lt. Gen. Vicente Danao na ngayon ay number 3 man na ng PNP nang halinhan niya si PNP Deputy Chief for Operations Police Lt. Gen. Ferdinand Divina na naabot na ang retirement age na 56 , nitong Lunes.
Sa kanyang pag-lapit sa top post ng PNP Hierarchy ay pamumunuan din ni Danao ang Security Task Force on National and Local Elections.
Sinabi pa ni Gen. Carlos na buwan pa lang ng Abril ay naghahanda na si Danao para sa pagpapatuloy ng trabaho ni Divina kaya wala siyang nakikitang problema sa “continuity” ng trabaho partikular sa pagtiyak sa seguridad ng nalalapit na eleksyon.
Samantala, wala pang kapalit si Danao sa iniwan niyang pwesto na chief of the directorial staff pero may rekomendasyon na si Carlos sa magiging kapalit nya.
Si Danao na dating regional director ng Police Region Office 4A o CALABARZON ay naging regional director ng National Capital Region Police Office makaraan ang isang taon.
Ang sinumang nasa PNP Command Group ay automatikong nasa shortlist sa pagpipiliang PNP Chief.
“May rekomendasyon na kami para maging TCDS (The Chief for Directorial Staff) ay hinihintay lang kami sa approval,” ayon kay Carlos. (VICTOR BALDEMOR)














