Latest News

ACT NAGSUMITE NG LISTAHAN NG HIGIT 1K GURO NA NAG-OT NITONG ELEKSYON

NAGSUMITE na ng sarili nilang listahan ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa Commission on Elections (Comelec) ng mga guro na nag-duty ng lagpas sa kanilang oras nitong nakalipas na National at Local Elections nitong Mayo 9.

Inisyal pa lamang umano ang listahan na umabot ng 1,036 guro at makatatanggap ng dagdag na honoraria mula sa Comelec.

Sinabi kamakalawa ni Comelec Commissioner George Garcia na aprubado na “in principle” ang honoraria sa mga guro na kinailangang manatili sa kanilang “polling precincts” dahil sa mga aberya sa “vote counting machines (VCMs)”.


Tinatayang P20 milyon ang ilalaan para sa dagdag na honoraria kung saan makatatanggap ang bawat guro ng mula P2,000 hanggang P3,000 na ibabase sa isinasagawang “auditing at accounting”.

Nagpasalamat naman ni ACT Secretary General Raymond Basilio sa aksyon na ito ng Comelec. Sinabi niya na sa una pa lamang ay nananawagan na siya sa Comelec na magbigay ng “overtime pay” sa mga guro na lalabis sa oras ang pagsisilbi sa halalan kaya “very much welcome” sa kaniya ang desisyon ng komisyon.


Pinuri rin niya ang katatagan at pagnanais ng mga guro na matiyak na patas ang halalan dahil sa hindi pag-alis sa kanilang mga puwesto sa kabila ng pagod at puyat.

Habang marami umano ang kapalpakan na naganap nitong nakaraang halalan, iginiit ni Basilio na wala na ito sa kontrol ng mga guro at iba pang “poll workers” na tinanggap lamang kung anong uri ng makina ang natapat sa kanila. (Jaymel Manuel)


Tags: Alliance of Concerned Teachers (ACT)

You May Also Like

Most Read