PILIT na inihabol ng Bureau of Customs (BOC) – Port of Cebu ang may 185 abandonadong balikbayan boxes na dumating na papuntang Cebu, Bohol, Negros at Siquijor bago magbagong taon.
Sinimulan na ng Aduana ang pamamahagi ng mga inabandonang balikbayan boxes sa ilang bahagi ng Visayas.
Ayon sa ulat, nasa 185 abandoned balikbayan boxes ang dumating sa BOC – Port of Cebu kung saan agad itong ipinahatid ni BOC Commissioner Yogi Filemon Ruiz sa mga consignee na nakarehistro.
Ang mga nasabing balikbayan boxes ay kabilang sa mga libo-libong packages na ide-deliver nang libre sa mga pamilya ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na matagal na rin natengga sa mga warehouses ng BOC.
Napag-alaman na ang mga nasabing packages ng mga OFWs ay pawang mga nabiktima ng mga manlolokong consolidators sa ibang bansa kung saan ay inabandona at tumakas pa sa pagbabayad ng buwis.
Upang hindi masayang ang mga pinaghirapan ng mga OFWs ay iniutos ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz na ihatid ang mga bagahe sa mga consignee ng walang babayaran ang mga kamag anak ng mga OFWs.
Nangako naman ang Port of Cebu na bibilisan ang pagpapadala ng mga balikbayan boxes para sa kapakanan ng mga OFW’s.
“In line with the directive of President Ferdinand R. Marcos Jr. and Ruiz, the Port of Cebu commits to facilitate the immediate release of balikbayan boxes to safeguard the interest and promote the welfare of OFWs”, pahayag pa ng Port of Cebu. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)