TINIYAK ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. na bubuwagin niya ang mga extortion gang at ipadadakip ang sinumang indibidwal na nasasangkot sa mga aktibidad ng pangingikil sa truck drivers.
Ito ang binitawang pangako Sec. Abalos matapos makipagpulong sa Confederation of Truckers Association of the Philippines (CTAP) na idinulog ang isyu ng extortion sa mga pangunahing lansangan.
Kaugnay nito ay ipina-alaala ni SILG ang ipinapatupad na Executive Order No. 41 na nagbabawal sa paniningil ng pass-through fees sa national roads at hinimok ang mga lokal na pamahalaan na suspindihin ang pagkolekta ng anumang uri ng fees para sa lahat ng klase ng mga sasakyang nagdadala ng goods batay sa Section 153 o 155 ng Republic Act no. 7160.
Sa ngayon, may ilang mga lokal na pamahalaan sa NCR ang nagbabawal umano sa pagdaan ng mga truck sa national road kayat umapela si MMDA Chairman Romando Artes sa mga LGU na payagan na malayang makabiyahe ang mga sasakyang nagdadala ng mga goods sa mga kalsada dahil may ilang lansangan na masikip at hindi madaanan ng mga truck.
“It has been a fruitful meeting, at ang gusto ng lahat ay ([matupad] ang bilin ng ating Pangulo, ang ease of doing business, para dire-diretso ang delivery ng ating mga trucks dito para wala ng problema,” ani Abalos.
“Ang sumbong sa amin ng CTAP ay may mga iilang nangongotong. So, these are the elements na lilinisin natin,” ayon sa kalihim.
Kabilang sa napagkasunduan, ani Abalos, ay ang pagtiyak ng MMDA at ng City of Manila na hindi naman sila magpapatupad ng anumang truck ban.
“Maganda na ang EO 41, lahat sumunod na, pero dahil sa mga iilang tao na ito ay nagkakaroon ng problema. Hindi naman tama iyon,” dagdag pa ng opisyal.














