Itinatayang aabot sa mahigit 2,000 deboto ang dadalo sa “National Fatima Convention on the Centenary of the Five First Saturdays Devotion “sa Disyembre 10, 2024.
Ayon sa World Apostolate of Fatima Philippines (WAP) na pinamunuan ni Sis. Ambrocia Palanca, layunin ng nasabing pagtitipon na paalalahanan ang mga deboto sa mahalagang mensaheng iniwan ng Mahal na Birheng Maria nang magpakita kay Sr. Lucia dos Santos noong 1925.
“The national gathering is in preparation for next year’s 100th anniversary of the apparition of Our Lady to Venerable Sr. Lucia in Pontevedra, Spain to request the establishment of the devotion of the Five First Saturdays,” anang WAF Philippines.
Tampok sa national convention na isasagawa sa mary Mother of Hope Chapel ng Landmark-Trinoma ang panayam ni Sr. Angela de Fatima Coelho, ang Postulator ng Causes of Canonization nina San Francisco at Santa Jacinta Marto, Vice Postulator ng Cause of Canonization naman kay Sr. Lucia, at kasalukuyang Superior General ng Aliança de Santa Maria, Portugal.
Ang tema ng convention ay:’“The Story Continues: Know, Live, and Spread the Fatima Message” upang mapalalim ang kamalayan ng mga mananampalataya sa mga mensahe ng Mahal na Ina na iniwan sa tatlong bata sa Fatima Portugal.
Gayundin, nais ng WAF Philippines na maitatag ang Five First Saturdays Devotion sa 87 diyosesis sa bansa alinsunod na rin sa rekomendasyon ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines.
Tatalakayin ni Sr. Coelho sa kanyang panayam ang paksang “The Immaculate Heart of Mary: A Light for Today’s World” at ang “The Children of Fatima: Models of Holiness,” habang si Iba Bishop Bartolome Santos, Jr. naman ang tatalakay sa paksang “The Message of Fatima: A Call to Prayer and Hope”.
Samantala “The Message of Fatima: The Call for Reparation and Consecration” naman ang paksang tatalakayin nina WAF Philippines National Spiritual Director, Digos Bishop Guillermo Afable, kasama sina Sr. Coelho at WAF National Formation Coordinator Debra Andales.