Sinabi ng Department of Health (DOH) na nitong Martes na mula Marso 6 hanggang 12, 2023 ay nakapagtala pa sila ng 983 bagong kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ayon sa inilabas na National COVID-19 Bulletin ng DOH, nabatid na ang average na bilang ng mga bagong kaso ng sakit kada araw ngayong linggo ay nasa 140.
Mas mataas anila ito ng walong porsiyento kung ikukumpara sa mga kasong naitala noong Pebrero 27 hanggang Marso 5.
Ayon sa DOH, sa mga bagong kaso, isa ang may malubha at kritikal na karamdaman.
Samantala, mayroon namang naitalang 58 na pumanaw ngunit wala sa mga ito ang naganap noong Pebrero 27 hanggang Marso 12.
Ayon pa sa DOH, Marso 12, 2023, mayroon pang 351 na malubha at kritikal na pasyente na naka-admit sa mga ospital sa bansa dahil sa COVID-19.
Sa 1,982 ICU beds naman para sa mga pasyenteng may COVID-19, nasa 265 o 13.4% ang okupado habang 2,916 o 17.1% ng 17,075 non-ICU COVID-19 beds ang kasalukuyan ding ginagamit.
Kaugnay nito, patuloy na pinapaalalahanan ng DOH ang publiko na huwag maging kampante sa banta ng COVID-19.
Sa halip, dapat anilang ipagpatuloy ng lahat ang tamang pagsunod sa minimum public health standards sa ilalim ng Alert Level 1.
Paalala pa ng Kagawaran ng Kalusugan, palagi pa ring magsuot ng best-fitted face mask at kung maaari, manatili sa well-ventilated na mga lugar.
Sa oras naman anila na makaramdam ng sintomas ng sakit ay kaagad nang mag-isolate upang hindi na makahawa pa ng iba.
Para sa karagdagang proteksyon laban sa banta ng COVID-19, agad-agaran nang magpabakuna at magpaturok ng booster shots, dagdag pa nito. (Philip Reyes)