UMAABOT na sa 95 million ang bilang ng sim card na naka rehistro ayon sa National Telecommunications Commission sa bansa mula ng simulan ang SIM Card registration subalit nanatiling aktibo pa rin ang operation ng mga scammers, ayon sa Philippine National Police.
Nagbabala ang PNP Anti- Cybercrime Group sa publiko na maging maingat dahil patuloy na dumarami pa rin ang mga scammers.
Paalala ng PNP-ACG, huwag basta-basta magre-reply sa mga kahina-hinalang text messages at huwag ding i-click ang kahit anong link mula rito.
Pinapayuhan ding huwag mag-panic kung sinasabing na-lock ang inyong account lalo na sa mga may online bank account o electronic wallets gaya GCash at Paymaya.
Babala pa ng mga awtoridad at maging ng mga banko na maigeng i-check ang email address o number ng nagpadala ng message, tumawag sa official numbers ng inyong bangko at i-verify ang natanggap na email o text message.
Paliwanag ng PNP, ang ‘phishing’ ay ang iligal na pagkuha sa mga personal na impormasyon gamit ang email habang ang smishing naman ay iligal na pagkuha sa mga personal na impormasyon gamit ang text message o SMS.
Halimbawa ng mga ito ang email at text message na naglalaman ng code at link na kapag pinindot ay kokonekta sa isa pang dummy account na kukuha pa ng karagdagang impormasyon tulad ng bank accounts at password at maging mga personal data na kunwari ay kailangan para sa verification ng mga personal accounts.
Nag-warning pa ang PNP-ACG sa publiko na huwag na huwag magbibigay ng kahit anong impormasyon sa text o e-mail tulad ng inyong bank account number, password at one-time password o OTP.














