UMABOT sa 93 live-in partners na matagal nang nagsasama pero hindi makapagpakasal dahil sa kawalan ng perang pantustos sa mga kakailanganin ang ikinasal nang libre ni Mayor Honey Lacuna.
Ayon kay Lacuna, ang sabay-sabay na kasalan o mass wedding ay ginanap nitong Hunyo 14 sa magkahiwalay na lugar sa ilalim ng proyekto ng lungsod na “Kasalang Bayan ’25: Manila June Bride” na ginanap sa Maynila bilang bahagi ng mga aktibidad kaugnay ng ika-454 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng siyudad ng Maynila na tinawag na “Araw ng Maynila” sa Hunyo 24.
Napag-alaman na mismong si Manila Mayor Honey Lacuna ang tumayong principal sponsor sa mga ikinasal nang libre. Ang 28 na couples ay ikinasal sa isang church wedding sa St. Vincent de Paul Parish sa Ermita habang 65 namang magkalive-in ang ikinasal mismo ni Lacuna sa Adamson Gymnasium sa pamamagitan ng isang civil weddin.
Sinabi ni Manila Civil Registry Office chief Encar Ocampo na gaya ng mga nakalipas na taon ay si Lacuna muli ang sumagot sa ilang pangangailangan ng mga ikinasal, gaya ng marriage license, wedding cord at veil, flower bouquet, arrhae (wedding tokens) at wedding rings.
S atas na din ni Lacuna, ang reception, venue, church marriage at wedding service ay sinagot na rin ng tanggapan ng alkalde, ayon pa kay Ocampo.
Ang wedding reception ay ginanap sa San Andres Sports Complex, Malate, dagdag pa nito.














