APRUBADO kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., ang 90-day extension ng subscriber identity module (SIM) card registration period na deadline dapat ngayong araw Abril 26.
“President Marcos Jr. approves the 90-day extension of SIM registration after the 26 April 2023 deadline,” nakasaad sa inilabas na pahayag ng Palasyo.
Ginawa ng Pangulo ang pag-apruba bilang tugon sa panukala ng Department of Information and Communications Technology (DICT) para sa pagpapalawig ng SIM registration period sa ginanap na sectoral meeting na pinangunahan ni Marcos sa Malacañang kahapon kaugnay sa update ng SIM card registration.
Inatasan ni Marcos ang DICT na ipaalam sa publiko ang ginawang pagpapalawig sa registration.
Hanggang nitong Linggo, Abril 23, mahigit 82 milyong SIM cards umano ang naiparehistro, na katumbas ng 49.31% ng kabuuang active SIMs hanggang Disyembre 2022, o 168,016,400 total number ng active SIMs sa bansa.
Sa 82 milyong registered SIMs, mahigit 37 milyon ang mula sa Globe, mahigit 39 milyon sa Smart at mahigit limang milyon mula sa Dito.
Nabatid na target ng DICT na 70% ng mga active SIM ang mairehistro sa 90-day extension.
Sa ilalim ng SIM Card Registration Act, itinakda ang deadline sa mandatory SIM registration sa Abril 26, 2023. Gayunman, may probisyon sa batas na maaari itong palawigin kung kakailanganin.
Suportado naman ni Senador Grace Poe, principal sponsor ng batas sa Senado ang desisyon na palawigin ang SIM registration.
Ayon sa senadora, dapat kumilos ang telecommunications companies at bumaba sa “grassroots” para makapagparehistro maging ang mga nasa malalayong lugar.
“As most telcos have been enjoying vast profits from their services, they have the corresponding obligation and the necessary resources to track down their SIM users and to widen the opportunity for registration,” pahayag ni Poe, chairman ng Senate public services committee.
“Both [National Telecommunications Commission] and telcos must double their efforts in reaching out to subscribers in rural and remote areas,” dagdag pa ng senadora.














