UMABOT sa siyam katao ang iniulat na nasugatan sa serye ng mga pagsabog sa rehiyon ng Mindanao kaugnay sa ginaganap na May 9 national and Local Election kahapon.
Pinakahuling naitalang pagsabog ay naganap sa probinsya ng Cotabato dakong alas-9:35 kahapon ng umaga ilang oras matapos na magsimula ang botohan.
Ayon kay Kabacan Chief of Police Lieutenant Colonel John Miridel Calinga, sumabog ang hindi pa matiyak na uri ng bomba malapit sa isang voting precinct sa Barangay Poblacion sa Kabacan, Cotabato.
Walang nasugatan sa huling pagsabog ngunit nagdulot ito ng takot sa mga miyembro ng Electoral Board at mga botante sa bayan ng Kabacan.
Una rito, ilang oras bago mag umpisa ang botohan ay may walong (8) pagsabog ang naitala sa dalawang bayan sa Maguindanao
Ayon kay Col. Oriel Pangcog, commander ng 601st Brigade Philippine Army, hinigpitan pa ng militar at pulisya ang seguridad sa nagpapatuloy na halalan sa North Cotabato.
Ayon kay Pangcog, unang ginulantang ng malakas na pagsabog ang bayan ng Datu Unsay at Shariff Aguak sa Maguindanao pasado alas-7:00 kamakalawa ng gabi na sinundan naman kahapon ng madaling araw o ilang oras bago ang halalan.
Ang siyam na taong sugatan ay mula sa pagsabog na naganap malapit sa Municipal Hall ng Datu Unsay sa Maguindanao. Subalit sinasabing pawang minor injuries lamang ang tinamo ng mga suspek
May dalawang pagsabog din ang naganap sa national highway ng Shariff Aguak sa parehong lalawigan Maliban sa Datu Unsay Maguindanao,.
Ayon kay Col. Pangcog, M79 grenade launcher ang ginamit ng mga armadong kalalakihan na sa ngayon ay inaalam kung anong grupo ito na nais magsagawa ng kaguluhan sa araw ng eleksyon.
Samantala sa South Cotabato, naitala ang tensyon sa bayan ng Lake Sebu matapos na may mga armadong kalalakihan na nananakot umano at sinasabing mga private armies sila ng isa sa mga kandidato sa probinsya.
Siyam ang sugatan sa pitong magkahiwalay na pagsabog sa bayan ng Datu Unsay at Shariff Aguak, Maguindanao pasado alas siete ngayong gabi.
Ayon kay PNP Maguindanao Provincial Director, Police Colonel Jibin Bongcayao, limang pagsabog mula sa grenade launcher ang yumanig sa loob ng municipal hall compound ng Datu Unsay Maguindanao kung saan siyam ang sugatan.
“Yung compound ng munisipyo may mga tao na nandoon. Ito yong mga constituents ng Datu Unsay mula sa malalayong barangay at mga 6 hours yong biyahe nila kaya pumunta na sila sa compound para mahintay nila ang pagboto nila bukas,” ayon pa kay Bongcayao.
“Ang pangyayaring ‘yon ay isa lang panggugulo sa part ng armadong grupo. may mga reports kami na natanggap na manggugulo ang BIFF sa eleksyon siguro ito na ang sinasabi nila,” ayon pa kay Bongcayao.
Kasunod nito, sinabi ni Bongcayao na nagdagdag ng pwersa ang PNP sa probinsya mula sa rehiyon dose.
Tiniyak naman ng PNP na maidadaos ang halalan sa bayan bukas. Sa ngayon ay hinigpitan pa ng militar at pulisya ang seguridad sa nagpapatuloy na halalan sa North Cotabato. (VICTOR BALDEMOR)