Latest News

9 inmate ng MPD-PS 1, nakatakas; lima, naaresto nang muli

By: Baby Cuevas

Kinumpirma ng pamunuan ng Manila Police District (MPD) na siyam na inmate ng kanilang Raxabago Police Station 1 (PS-1) sa Tondo, ang nakatakas sa piitan nitong Miyerkules ng madaling araw at lima sa mga ito ang nadakip at naibalik nang muli sa piitan.

Batay sa ulat ng MPD, dakong ala-1:30 ng madaling araw nang makatakas ang mga bilanggo mula sa Male Custodial facility ng PS-1, na matatagpuan sa Raxabago Tondo, Manila.

Kabilang sa mga nakatakas sina Gian Carlo Rayala, Arnold Olino, Jefferson Bunso Tumbaga, MJ Tuazon, Master Cedric Zodiacal Velasco, John Joseph Laguna, Jericho Andal, Albery Calayas, at Zilmar Adriano, na nahaharap sa mga kasong robbery, illegal drugs at illegal possession of firearms.


Sa mga naturang pugante, naibalik na muli sa piitan sina Olino, Tuazon, Andal, Calayas at Adrinao habang tinutugis ang apat na iba pa.

Sa inisyal na pagsisiyasat ng MPD, nabatid na nagawang makatakas ng mga suspek sa pamamagitan nang pagsira sa bakal na rehas sa gilid na bahagi ng jail facility.


Kaagad namang naglunsad ng manhunt operation ang mga pulis na nagresulta sa pagkakaarestong muli sa lima sa kanila.

Kaugnay nito, kaagad rin namang ipinag-utos ni MPD director PCOL Arnold Thomas Ibay ang pagre-relieve sa puwesto sa mga pulis ng PS-1, kabilang ang station commander nito na si PLTCOL Roberto Mupas, upang bigyang-daan ang imbestigasyon sa insidente.


Tags: Manila Police District (MPD)

You May Also Like