May 86 na Diocese ang makikiisa sa taunang “One Million Children praying the rosary” na iaalay ng ‘Aid to the Church in Need-Philippines (ACN)’ para sa pagkakaroon ng ganap na pagkakaisa at kapayapaan.
Ang pandaigdigang sabay-sabay na pananalangin ng Santo Rosaryo ng mga kabataan ay gagawin sa ika-18 ng Oktubre 2023, kung saan inaasahan ang pakikiisa ng 86 na mga Diocese sa Pilipinas.
Nabatid na muling isasagawa ang One Million Children Praying the Rosary campaign, na nahinto may tatlong taon na mula nang maganap ang COVID-19 pandemic noong 2020.
Isasagawa ang nasabng campaign sa Immaculate Conception Cathedral ng Diocese of Pasig kung saan inaasahan ang pangunguna sa gawain ng mga mag-aaral mula sa Pasig Catholic College.
Layunin ng Worldwide Prayer Event na isulong ang pagkakaisa at kapayapaan sa pamamagitan ng sabay-sabay na pananalangin ng mga kabataan ng Santo Rosaryo mula sa iba’t- ibang panig ng mundo.
Hinango ang pandaigdigang pagdarasal ng pontifical foundation ng Vatican sa mga pahayag ni Saint Padre Pio na: “when one million children pray the rosary, the world will change.”
Inilunsad ang campaign sa Caracas, Venezuela noong taong 2005, kung saan umaabot na sa mahigit 80 bansa ang taunang nakikibahagi sa malawakang pananalangin ng mga kabataan ng Santo Rosaryo, kabilang na ang Pilipinas, nang inilunsad ang gawain sa bansa noong taong 2016.














