NASA 800 tauhan ng Philippine National Police mula Luzon ang tumayong Board of Election Inspectors kapalit ng mga guro na umatras bilang mga BEI’s sa ilang bayan sa Lanao del Sur at Maguindanao del Sur, mismong araw ng eleksyon.
Napag-alaman na sadyang may mga sinanay na kagawad ng PNP para magsilbing BEI sa mga lugar na posibleng may banta ng karahasan at o kasaysayan ng matinding tunggaliang pulitikal.
Ayon kay Maguindanao del Sur election supervisor Allan Kandon, kabilang ang Buluan, Maguindanao del Sur sa mga lugar ang isinailalim sa Commission on Elections (Comelec) control.
Bukod dito ay kabilang din ang Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao del Norte sa inilagay sa Comelec control matapos ang insidenteng nagkagulo sa nasabing bayan.
Bago ang araw ng election, may dalawang nasawi, isa ang sugatan at pito ang inaresto mula sa armadong grupo, matapos ang matagumpay na joint law enforcement operations laban sa mga naglalabang puwersa sa Brgy. Pandag, sa Maguindanao del Sur.
Samantala, kinumpirma ng Western Mindanao Command (Westmincom) ang pagkamatay ng apat na kalalakihan matapos ang naganap na pamamaril sa Barangay Langil, Hadji Mohammad Abdul, Basilan, isang araw bago ang midterm elections.














