Latest News

80 % ng seniors, target bakunahan ng DOH bago mag-Alert Level 1

TARGET umano ng Department of Health (DOH) na maturukan ng bakuna laban sa COVID-19 ang 80% ng mga senior citizen, na kabilang sa A2 category, at mga persons with comorbidities na kabilang naman sa A3 category, bago tuluyang maibaba ang quarantine status ng bansa sa Alert Level 1.

Sa lingguhang Talk to the People ni Pang. Rodrigo Duterte nitong Lunes ng gabi, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na hindi maaaring makapag-deescalate ang bansa kung hindi maaabot ang naturang target.

“Before ma-deescalate, kailangan 80% ng A2 at A3 ay kanilang maabot. Kung hindi makarating sa panukatan na ‘yan ay hindi tayo puwedeng mag-deescalate,” ayon pa kay Duque.


“Maganda po ‘tong metric sa pag-assess kung sino bang lugar ang hinog na for Alert Level 1,” dagdag pa niya.

Una nang sinabi ng DOH na naghahanda na ang national government sa pagpapatupad ng Alert Level 1 at malaunan ay transisyon ng COVID-19 pandemic sa endemic state.

Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ang Alert Level 1 ay ang magiging ‘new normal’ ng bansa.

Sa ngayon, marami ng lugar sa bansa ang nasa ilalim ng Alert Level 2 hanggang sa katapusan ng buwan, kabilang dito ang Metro Manila at mga kalapit na lalawigan, na patuloy na nakikitaan nang pagbaba ng mga bagong kaso ng COVID-19. (Jeremie Akizha)


Tags: Department of Health (DOH)

You May Also Like

Most Read